Ano ang gagawin kung nagdurugo ang ilong

HINDI na bago kung ma­kita natin na nagdurugo ang ilong o binabalinguyngoy ang ating mga kaanak. Lalo na sa mga bata na ipinapasok ang daliri sa butas ng ilong. Kung nataong mahahaba ang mga kuko ng bata, puwedeng masaktan niya ang mabababaw na ugat ng ilong at mauwi ito sa pagdurugo o nosebleeding. Ang ilong kasi natin ay maraming maliliit na ugat na mababaw lang ang kinalalagyan. Kung mabunggo, mahampas, masuntok, o tamaan ng anumang matigas na bagay ang ilong, puwede itong sumabog at magdugo.

May pagkakataon na nasasaktan ang ating mukha pero hindi nagiging madugo ang buong mukha. Ito ay sapagkat hndi tinamaan ang gawing ilong. Maaaring ang nasaktan lamang ay ang panga, pisngi, noo, o iba pang bahagi ng mukha. Magiging madugo lamang ito kung tatamaan ang ilong. “Kierssalbach’s plexus of veins” ang tawag sa kalipunan ng mga superficial veins na ito sa dakong ilong.

At kung sakaling nauwi sa pagdurugo ang anumang trauma na nangyari sa ilong, ano ang dapat gawin? May nagsasabi na dapat ay patingalain ang batang binabalinguyngoy. ‘Yun daw ay para mapigilan ang pagdurugo. Mali ang praktis na ito. Hindi dapat pinatitingala ang sinumang dumaranas ng nosebleeding sapagkat ang dugo ay puwedeng maipon sa dakong lalamunan at maaaring magdulot ng suffocation. Mahihirapang huminga ang pasyente.

Ano ang gagawin?

Hilingin sa taong nagno-nosebleeding na yumuko lamang, itungo ang ulo, at hayaang pumatak ang dugo sa lababo, palanggana, bimpo, tuwalya, o tela. Gamit ang hinlalaki at hintuturo, diinan ang lugar sa ilong na nasa pagitan ng bali-ngusan (mabutong bahagi) at sa malambot na bahagi. Pressure ng pagkakadiin ng daliri ang maaaring makapagpahinto ng pagdurugo. Gawin ito sa loob ng 10-15 minuto, tuluy-tuloy lamang, hanggang sa mapansin nang naampat na ang pagdurugo.

Huwag magpanik kung tumutulo ang dugo. Inaasahan na nating papatak talaga ang mga dugong galing sa pumutok na ugat sa loob ng ilong. Kapag naampat na ang pagdurugo, punasan lamang o linisin ang area sa mukha na nalagyan ng dugo. Magpahinga pagkatapos.

Kung gustong maglagay ng bolsa de yelo sa ulo, okey lamang. Makatutulong ito sa pagkitid ng mga ugat at sa pag-ampat ng pagdurugo.

Karaniwang trauma ang sanhi ng nosebleeding. Ang nakasanayang pangungulangot ng mga bata ang pinaka-karaniwang sanhi ng nosebleeding. Makabubuti siguro kung papayuhan sila sa tamang paraan ng paglilinis ng ilong. Ipaalala sa kanila na mahalagang panatilihing maiigsi ang mga kuko upang sakali mang hindi maawat sa praktis na ito, mababawasan ang atake ng nosebleeding. Kahit ang matinding init ng panahon ay posibleng pagsimulan din ng nosebleeding.

Show comments