‘Pag-iingat ngayong Kuwaresma’

ALAM na alam ng mga akyat-bahay ang mga palatandaan na walang tao ang kanilang lolooban.

Tuwing magbabakasyon lalo na sa mahabang panahon, mabuting ibilin sa mga pinagkakatiwalaang kamag-anak o kapitbahay ang inyong bahay para hindi kayo maisahan.   

Kaya sa mga nagpaplanong umuwi sa mga probinsiya ngayong Kuwaresma siguraduhing may naiwang mapagkakatiwalaang nagbabantay sa inyong bahay. 

Kung hindi pa naman kayo nakakaalis, bago bumiyahe palitan muna ang lahat nang kandado ng inyong bahay at huwag iwanan ang susi sa kapitbahay.

Tiyakin na lahat ng daanan tulad ng pinto, bintana, basement at maging mga lalagyan ng aircondition unit nakakandado. Huwag magtipid. Eto ang mga butas na posibleng daanan ng mga magnanakaw.

Bagamat walang pinipiling panahon ang mga kriminal, tumataas ang bilang ng mga akyat-bahay kapag holiday season tulad ng Kuwaresma. 

Alam kasi ng mga masasamang-loob na magandang oportunidad ito para manloob. 

Walang Holy Week sa mga putok sa buho. Basta may oportunidad, aatake sila kapag alam nilang ang mga tao abala at nagsisialisan. 

Ugaliing maging praning sa lahat nang oras. Tandaan, mas mabuti nang maging ‘listo at ‘lerto kaysa maisahan. Dahil daig n’yo pa ang ipinako sa krus kapag naranasan n’yo ang malooban at malimasan ng mga kagamitan. 

Mag-ingat, mag-ingat.

• • • • • •

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa iba pang mga palabas, mag-subscribe sa BITAG OFFICIAL YouTube channel.

Show comments