“HINDI! Hindi kami nagtalik. Paano kami magtatalik e hindi naman kami mag-asawa ng Tiyo Mon mo. Ang tu-ring niya sa akin ay isang anak. Ang nakita mong paglalambing niya sa akin noon ay palabas lang niya para maniwala kang mag-asawa kami. Gusto lang niyang masabing may asawa pero ang totoo, wala siyang balak palitan ang kanyang asawang namatay. Mahal pa rin niya ang kanyang asawa.’’
“Parang hindi ako makapaniwala.’’
“Ano pa ba ang sasabihin ko para ka maniwala, Lex?’’
“Kasi’y talagang mahirap paniwalaan na hindi kayo mag-asawa. Ipinagmamalaki ka pa sa akin ni Tiyo na mabuti ka raw asawa.’’
“Kunwari nga lang niya iyon. Gusto lang niyang papaniwalain na may asawa siya. Ewan ko kung bakit naisipan niya iyon. Basta ang alam ko lang noon ay mayroong tutulong sa akin dahil patay na nga si Itay. At alam kong magiging mabuti siya sa akin.’’
“Talagang hindi ako makapaniwala, Krema.’’
Nagtaas na ng boses si Krema.
“Kung ayaw mong maniwala e di huwag! Nagsasabi na nga ako nang totoo ay bakit hindi ka pa rin maniwala!’’
Hindi makapagsalita si Lex.
“Kung ayaw mong maniwala e di mabuti pang tuluyan na akong umalis dito. Hindi na ako kailangan dito,” sabi ni Krema at umakmang tatayo sa papag.
“Huwag Krema.’’
“Di ba hindi ka naniniwala? Bakit mo ako pinipigilang umalis.’’
“Makinig ka muna, Krema. Hindi ganun ang ibig kong sabihin. Nasabi ko yun dahil talagang naghahalo ang tuwa at pagkalito sa akin. Pero ngayon sure na ako sa damdamin ko. Kung hindi kayo mag-asawa, ibig sabihin e dalagang-dalaga ka.’’
“Ano pa?’’
“E di virgin ka pa?’’
(Itutuloy)