Ang kaso ng pagmumura sa social media
ANG anak ni Marita na si Tricia ay may nakaaway na kaklaseng babae, si Julia. Ang barkada ni Julia ay pulos kilalang “mean girls sa school” at naghahari-harian sa kanilang section. Minsan ay pinatid ni Julia si Tricia. Napasubsob ito sa sahig. Marami ang nagtawanan. Palibhasa’y palaban, agad tumayo sa Tricia at sinampal si Julia. Nakatakbo na si Tricia kaya hindi nakaganti ang huli.
Kahit nasampal niya si Julia, naroon pa rin ang matinding galit ni Tricia kaya minura niya ito sa social media. Ilang beses niya itong tinawag na “pokpok”. Sila ay magka-barangay at may tsismis kay Julia na rumarampa ito sa gabi kapag bayaran na ng tuition.
Nabasa iyon ni Julia kaya nagreklamo siya sa barangay. Nang magharap-harap ang dalawang kampo ay wala rin nangyaring pagkakasundo. Ginawa lang nilang venue ang barangay para magsumbatan sa isa’t isa.
Naghain ng demanda si Julia laban kay Tricia dahil niyurakan daw nito ang kanyang pagkatao sa pagtawag sa kanya ng pokpok. Naunahan sila ni Julia na makuha ang libreng serbisyo ng PAO (Public Attorney’s Office) lawyer. Hindi puwedeng pagsilbihan ng dalawang PAO lawyers ang magkalabang kampo. Sa ayaw at sa gusto ng kampo ni Tricia, private lawyer ang kailangan nilang kuhanin. Ang kaso, hindi nila kayang magbayad ng private lawyer. Nag-inquire sila sa isang law office at nalula sila sa service fee.
Sa ilang beses na pagkikita sa PAO office, walang kasamang lawyer sina Tricia kaya nagpasiya ang PAO lawyer kausapin sina Julia at Tricia. Pareho silang pinangaralan tungkol sa pananakit nang pisikal at responsableng paggamit sa social media. Ang masinsinang pag-uusap ay nagbunga ng pag-urong ng demanda ni Julia kay Tricia. Nagpataw ang lawyer ng kaukulang halaga na dapat ibayad ni Tricia sa “perwisyong” ginawa niya sa reputasyon ni Julia gamit ang social media.
Nakahinga nang maluwag ang mag-inang Marita at Tricia. Kahit paano, kinaya nila ang halaga ng “moral damages” na ibinayad kay Julia kaysa pambayad sa lawyer. Nakabuti rin na wala silang makuhang lawyer. Nagpatunay lang iyon na mahirap lang sila. Kung pinilit nilang makakuha ng private lawyer, iisipin ng PAO lawyer na may pera sila at baka mas malaking halaga ang ipataw nitong penalty. Blessing in disguise ang kawalan nila ng lawyer.
- Latest