ALAM ba ninyo na ang aksidente ang pang-apat sa panguna-hing dahilan ng pagkamatay sa Pilipinas. Sa loob ng isang taon, may 34,000 Pilipino ang namamatay sa aksidente sa lansangan. May mga survey din ang nagsasabi na ang Maynila ay isa sa mapanganib na lugar para sa motorista. Bakit nagkaganito?
Alam naman natin ang pagiging pasaway ng Pinoy drivers. May mga reckless drivers, sobrang bilis magmaneho, bigla na lamang lumiliko, mga driver na pagod, at mga driver na lasing. Nakikita natin kung paano nag-uunahan ang mga driver ng bus. Mayroon ding mga pasaway na tumatawid sa lansangan. Lahat ito ay nagdudulot ng panganib at aksidente.
Idagdag pa natin dito ang kalidad ng ating mga kalye. Kailangan ay hindi butas-butas ang kalye, may tamang ilaw sa gabi at gumagana ang mga ilaw trapiko. Para mabawasan ang aksidente, kailangang ipatupad ng gobyerno ang tamang patakaran ng trapiko at ayusin ang mga kalye.
Payo sa mga tumatawid:
1. Tandaan ang “stop, look and listen” bago tumawid. Huminto muna sa tabi ng kalye, tumingin sa kaliwa at kanan, at makinig kung may dumarating na sasakyan. Mag-isip kung puwede kang tumawid sa daanang iyon.
2. Tumawid lamang sa pedestrian crossing. Gamitin ang foot bridge o overpass para ligtas.
3. Huwag basta-bastang sumabay sa ibang taong tumatawid. Mag-isip muna kung dapat ka na bang tumawid.
4. Kung may parating na kotse, huwag na huwag mong iisipin na nakita ka na ng driver at ihihinto niya ang sasakyan para sa iyo.
5. Gawing kapansin-pansin ang iyong kasuutan sa gabi. Magsuot ng maputi o makulay na damit para matanaw ng mga driver.
6. Umiwas sa pagtawid sa corner ng kalye. Baka may biglang sumulpot na kotse dito. Tumawid sa bandang gitna ng kalye.
Para sa drivers:
1. Bagalan ang takbo ng sasakyan kapag ika’y malapit sa paaralan o mataong lugar.
2. Siguraduhing gumagana ang ilaw at busina ng iyong sasakyan.
3. Kapag nasa highway, huwag tumutok sa nauunang sasakyan. Bigyan ng sapat na pagitan para ika’y makapag-preno kapag biglang huminto ang sinusundan mong sasakyan.
4. Magbigay sa mga tumatawid. Maging alerto sa mga bata, matatanda at mga pasaway na tumatawid. Kahit may kasalanan ang tumatawid, pareho pa rin kayong mananagot sa anumang aksidente. Mag-ingat po.