TAG-ARAW na naman siguradong magtataasan na naman ang mga bayarin sa kuryente.
Dahil mataas ang temperatura ang mga consumer aasa sa mga air-condition, electric fan, air cooler, refrigerator at iba pang mga cooling appliances para hindi masyadong maramdaman ang init.
Kuwidaw! Sa ganitong mga panahon rin nagsusulputang parang mga kabuti ang mga dorobo at manggagantso.
Magbabahay-bahay, kakatok sa mga pintuan at mag-aalok ng kung ano-anong produkto gamit ang mga matatamis na salita at pangako.
Kaya ngayon palang nagbibigay na ng babala ang BITAG at KILOS PRONTO. Mag-ingat sa mga maglalako sa inyo ng mga power saver kuno.
Kwarenta hanggang singkwenta porsyento, bababa daw ang inyong bill sa kuryente dahil sa kanilang ibinibentang device.
Hindi na ito bagong modus. Gasgas na ito pero tuwing sumasapit ang tag-araw, marami pa rin ang mga nabibiktima.
Mismong Department of Energy ganundin ang Meralco na ang nagsabi, hindi totoong nakakatipid sa kuryente kapag gumamit ng mga power saver.
Ang totoo, baka ito pa ang maging sanhi ng inyong kamatayan dahil malaki ang posibilidad na maging sanhi pa iyan ng sunog.
Sa halip na makatipid kayo, malaking perwisyo tuloy ang dulot hindi lang sa inyo kundi pati na sa komunidad na kinatitirikan ng inyong tinitirhan.
May dalawa na namang bagong naloko sa modus na ito. Ipinalabas namin ang mukha ng mga suspek sa KILOS PRONTO noong Miyerkules.
Ngayong alam nyo na, doble ingat hindi lang ngayong Marso kung saan Fire Prevention Month bagkus sa buong taon.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa mga palabas ng BMUI, mag-subscribe sa BITAG OFFICIAL YouTube channel.