MAY isang batang babae na pangarap maging singer. Minsan ay isinama siya ng kanyang nanay sa isang sikat na manghuhula upang itanong kung mananalo ang anak sakaling sumali ito sa isang singing contest sa telebisyon. Isang malutong na “hindi” ang sagot ng manghuhula.
Malungkot na umuwi ang mag-ina at nagdesisyong huwag nang ituloy ang pagsali sa contest. Kinalimutan na ng bata ang kanyang pangarap na maging singer. Nang matapos ang high school ay hindi na siya nakapag-aral dahil sa kahirapan. Dahil walang pinagkakaabalahan ay naisip na lang nitong mag-asawa hanggang sa magkaanak ng isang dosena.
Minsan ay napanood niya sa isang news program ang manghuhulang pinuntahan nila noon. Big time estapadora pala ang manghuhula at hindi pala ito totoong manghuhula. Napaiyak ang babaeng nangarap maging singer at sinisi niya ang manghuhula sa kanyang kabiguang maabot ang pangarap. Sa palagay ba ninyo ay may kasalanan ang manghuhula sa pagkabigo ng babaeng maabot ang kanyang pangarap?
Parang ang nangyari ay ganito: inihagis ng manghuhula ang babae sa malalim na swimming pool. Walang ginawa ang babae upang maiangat niya ang kanyang sarili sa pagkakalubog sa tubig. Nanatili siya sa ilalim ng swimming pool samantalang napakaraming pagkakataon o paraan upang iahon niya ang sarili mula sa pagkalunod.
Hindi ko makakalimutan ang sinabi ng isang broadcaster sa kanyang radio program noong nabubuhay pa—kasumpa-sumpa ang isang mahirap na namatay na mahirap pa rin, dahil wala siyang ginawa kahit ano para maiangat ang kanyang buhay.