Goodbye Daddy!

TUWING gabi, si Daddy ang nagpapatulog sa kanyang kaisa-isang anak na limang taong gulang na babae. Ang misis niya ay anim na taon nang nagtatrabaho bilang sekretarya sa isang real state company. May trabaho din siya pero mas maaga siyang umuwi  kaysa kanyang misis. Lagi raw itong pinag-o-overtime ng boss nito. Bago matulog ay nagdadasal ang anak habang nakikinig lang si Daddy.

“Dear God, please bless my Mommy, my Daddy, my Lola. Goodbye Lolo!”

“Bakit may goodbye kay Lolo?” Ang lolong tinutukoy ay biyenan niya.

“Aalis na siya”

“Bakit saan siya pupunta?”

Nagkibit balikat lang ang anak kaya hindi na niya kinulit. Ang anak ay gabi-gabing nagdadasal ngunit noon lang nagkaroon ng bahaging may pamamaalam. Kinabukasan ng umaga, nadulas sa sahig ng toilet si Lolo. Nabagok ang ulo nito at namatay. Pagkaraan ng ilang buwan, muli na namang nabagabag ang kalooban niya dahil may bahagi na naman ng pamamaalam ang dasal ng kanyang anak.

“Dear God, please bless my Mommy, my Daddy. Goodbye Lola.”

Kinabukasan, tanghali na ay hindi pa bumabangon si Lola. Nang gisingin ng katulong, natuklasang wala na itong buhay. Inatake ito sa puso habang natutulog. Noong unang namatay ang kanyang biyenang lalaki, akala niya ay nagkataon lang ang lahat. Pero ngayong ang namatay naman ay kanyang biyenang babae, nagkaroon siya ng kutob na psychic ang anak niya. Ang mga bagay na ito ay hindi niya nababanggit sa kanyang misis. Hihintayin niya munang maka-adjust ito sa kanyang pagdadalamhati. Ngunit kalilibing lang ng kanyang biyenan nang muli na namang magdasal ang kanyang anak na halos ikabaliw niya.

“Dear God, please bless my Mommy. Goodbye Daddy.”

Kinabukasan, hindi siya pumasok sa trabaho. Maghapon siyang magkukulong sa kuwarto at magdadasal na huwag muna siyang kunin ni Lord. Magpapahatid na lang siya ng pagkain sa kuwarto. Ala-una ng hapon ay dumating ang misis niya. Sa kauna-unahang pagkakataon ay maaga itong umuwi mula sa trabaho.

“O, bakit ang aga mo ?” tanong nito sa misis. Napansin niyang mugto ang mata nito. Halatang galing sa pag-iyak.

“Ang boss ko...namatay kaninang umaga !”

 

Show comments