Tips kung paano makakatulog nang mahimbing

MAY mga taong nahihirapang matulog nang mahimbing sa buong magdamag. May mga taong pabiling-biling, naghihilik nang malakas, at minsa’y nakararanas ng tinatawag na sleep apnea o biglang humihinto ang paghinga habang natutulog.

Narito ang tips upang mapaganda ang inyong pagtulog:

Sikaping matulog sa isang takdang oras sa gabi. Kung alas-diyes ang iyong bedtime, gawing date ito sa iyong kama. Ganundin sa oras ng paggising, dapat ay may takdang oras ang paggising sa umaga. Mahalagang magkaroon ng rhythm sa pagtulog at paggising.

Huwag nang uminom pa ng kape at inuming may caffeine sa loob ng tatlo hanggang apat na oras bago matulog. Sa mga naninigarilyo, hindi rin maipapayong manigarilyo pa sa nabanggit na oras bago mahiga o mas mabuting huwag na talagang manigarilyo pa.

Iwasan ding kumain pa sa loob ng tatlo hanggang apat na oras bago matulog. Huwag ding damihan ang kain sa gabi. Iyong iba, hindi na kumakain pa ng kanin sa gabi upang maiwasan ang pagtaba. Tamang “light” lamang ang pagkain sa hapunan.

Magkaroon ng isang conducive environment para sa mahimbing na pagtulog. Mas mainam na medyo malamig, maha­ngin, tahimik, at madilim ang kuwartong tutulugan.

Huwag ipagwalambahala ang papel ng mga unan, kumot, at bedsheet. May mga unan ngayon na mas friendly sa ating leeg at nakatutulong upang maiwasan ang pangangalay ng leeg sa pagtulog. Yung mga kumot, punda ng unan, at bedsheets, na mataas ang tinatawag na “thread count” ay mas mainam gamitin bagama’t mas mahal nang kaunti.

Magkaroon ng routine bago matulog: magbasa ng libro, mag-hot shower, makinig sa isang relaxing music.

Kung may katabing matulog, tanungin sa kanya kung naghihilik ka ba nang malakas habang tulog ka at walang malay sa nagaganap sa paligid. O kung napapansin ba niyang parang humuhinto ang iyong paghinga habang natutulog. Kung may mga napansing ganito, mahalagang sumailalim sa tinatawag na sleep studies para mabigyan ng solusyon ang problemang ito.

Kung possible, iwasang mag-facebook o maglaro ng computer games bago matulog. Ipinapayo ring huwag nang manuod ng telebisyon bago matulog. Ang labis na istimulasyon na dulot ng mga ganitong activities ay nakaaapekto sa kalidad ng pagtulog.

Iwasan ang mahabang panahon ng pag-idlip sa araw. May iba sa atin na pilit binabawi sa araw ang naranasang pagkapuyat kaya natutulog ng ilang oras sa araw. Pero ayon sa ilang pag-aaral, ang dapat na maximum time raw ng pag-idlip sa araw ay mga 30 minuto lamang. Kung mas mahaba pa kaysa rito, mahihirapan ka nang dalawin ng antok o mahihirapan kang magkaroon ng mahimbing na tulog sa susunod na araw.

 

Show comments