Polusyon ng mga lumang sasakyan, tutukan!

Base sa pag-aaral  matindi na talaga ang maruming hangin na nalalanghap ng mga taga-Metro Manila kung ikukumpara sa mga lalawigan.

Mataas na umano ang lebel ng polusyon sa Kamaynilaan, kung saan nga inirerekomenda nga ng  mga eksperto ang pagsusuot ng face masks.

Base sa  pag-aaral ng World Health Organization nasa 1.7 milyong kabataan na nasa gulang 5-taong gulang pababa ang namamatay sa buong mundo kada taon dahil sa polusyon.

Sa datos naman ng DENR  sa taong 2016, ang naitalang polusyon sa Maynila ay 120 micrograms per cubic meter, 30 micrograms na mas mataas sa standard level na 90 micrograms per cubic meter lamang.

Lumalabas din na ang usok na nagmumula sa mga sasakyan ang siyang pangunahing dahilan ng matinding polusyon sa Metro Manila.

Dito tuloy nakikita na ang mga luma at kakarag-karag na sasakyan ay dapat na ngang maalis sa mga lansangan.

Bukod sa may panganib na ito na maaaring idulot sa daan, panganib pa rin ang inaamba nito sa kalusugan.

Hindi maikakaila na maraming mga sasakyan ang tumatakbo ngayon sa mga lansangan ang hindi na yata namomonitor ng mga kinauukulan kahit sangkaterbang maiitim na usok na ang ibinubuga nito.

Karamihan dito ay mga bus sa EDSA at mga jeep sa mga pangunahing lansangan.

Kawawa ang kasunod ng mga sasakyang ito, langhap na langhap ang usok na ibinubuga ng sasakyan.

Marahil panahon na para matutukan ito ng LTFRB at LTo at iba pang ahensya para mabawasan man lang ang matinding na talagang polusyon lalu na sa Kalakhang Maynila.

Show comments