BAGO ka magbitaw ng malulutong na “put---na mo!” sa iyong kapwa…Isipin mo na lang ang mga taong pipi o mga taong may cancer sa lalamunan.
Bago mo pintasan ang pagkaing inihain sa iyo…Isipin mo na lang ang taong grasa na sarap na sarap sa pagkain sa basurahan kinuha.
Bago ka magreklamo tungkol sa asawang ayon sa iyo ay palpak…Isipin mo na lang ang mga taong nagnonobena kay St. Jude para bigyan sila ng makakasama habang buhay.
Bago ka magalit dahil sa kamaliang ginawa ng iyong anak…Isipin mo na lang ang mga mag-asawang sumasayaw pa sa Obando para lang pagkalooban ng anak.
Bago ka tumalak dahil nadatnan mong marumi ang iyong bahay at wala man lang naglinis…Isipin mo na lang ang mga nasunugan na wala na silang lilinisin kahit kailan.
Bago ka magreklamo na napagod ka sa pagmamaneho…Isipin mo na lang ang mga taong walang pamasahe kaya naglakad na lang.
Bago ka magsalita na “ang hirap ng buhay sa Pilipinas”…Isipin mo na lang na nasa Pilipinas ka nang lumindol sa Japan at nagkagulo sa Libya.
Nagrereklamo ka ba dahil sa sobrang busy sa trabaho at hindi na kayo makapag-outing ng pamilya…Isipin mo na lang, mabuti na iyon kaysa magkakapiling nga kayo bawat minuto, wala naman kayong trabaho.
At kapag lugmok na lugmok ka na sa dami ng problema, idagdag pa na wala kang kapera-pera…Ngumiti ka na lang at isiping…at least, hindi ka nagnakaw sa kaban ng bayan at naging drug lord para magkapera.
Ang akala mo lang wala, wala, wala. Pero napakarami pala tayong dapat ipagpasalamat sa buhay.