Pizza

WORKING student si Mariz kaya tumagal ng anim na taon ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo bago siya naka-graduate. Noong isang taon siya nagtapos. Naalaala niya na ipinagbilin niya sa mga magulang na nasa Iloilo na ipagsama ang kanyang lola pagluwas ng Maynila. Ang Lola Tinay niya ay ina ng kanyang ina. Ang lola niya ang nagpalaki sa kanya dahil araw-araw na nagtatrabaho sa bukid ang kanyang ama at ina. Nagpadala siya ng pamasahe sa eroplano upang matiyak niya na maipagsasama si Lola Tinay. Gusto niyang sa eroplano ang mga ito sumakay dahil hindi pa nararanasan ni Lola Tinay na sumakay dito. Ang kanyang ama at ina ay tatlong beses nang nakasakay sa eroplano dahil lagi itong ipinagsasama ng kanyang kuya na nakatira sa Cebu.

Mahigpit ang yakap ni Lola Tinay kay Mariz nang magkita sila sa airport.

‘Nene,  masarap palang sumakay sa eroplano,’ sabi nito na parang batang nagkukuwento ng kanyang bagong karanasan. Nakasanayan na ng matanda na tawagin siyang Nene kahit dalaga na siya. ‘Sana, Nene, pag-uwi namin, eroplano ulit, ha ?’

Walang pagsidlan ng tuwa si Lola Tinay habang pinapanood nito mula sa loob ng taksi ang iba’t ibang building na dinadaanan nila pauwi sa apartment na tinitirhan ni Mariz. First time rin ka-sing lumuwas ng Maynila. Plano ni Mariz ay i-blow out ang tatlo sa isang seafood restaurant pagkatapos ng graduation. Pero hindi iyon natupad. Habang nakasakay sila sa taksi patungo sa PICC kung saan gaganapin ang graduation, namataan ni Lola ang pizza restaurant. Tanong nito kay Mariz, ‘Lagi kong napapanood ang patalastas niyan sa TV, masarap kaya ang pagkain diyan?’

‘Hayaan mo Lola, pagkatapos ng graduation, diyan tayo magseselebreyt.’ Maluha-luha si Mariz nang pagmasdan niya ang kasiyahang gumuhit sa mukha ng kanyang lola pagkatapos nitong kagatin ang pizza na hawak nito.

‘Kumusta ang lasa, Lola?’

‘Masarap’.

Pagkaraan ng isang taon, kailangang umuwi ni Mariz sa Iloilo dahil may birthday party na inihanda ang mga tiyahin niya para kay Lola Tinay. Sosorpresahin niya ito. Papasalubungan niya ang matanda ng iba’t ibang brand ng pizza. Para hindi na ito magreklamo na sa TV lang niya nakikita ang pizza pero hindi naman alam ang lasa. Maliit lang na bagay iyon kumpara sa pagpapalaki at tulong pinansiyal na naibigay nito sa kanya kapag kinakapos siya ng pang-tuition. Hindi kalakihan ang pensiyon na tinatanggap ng kanyang lola kaya ang sarili nito ang tinitipid para lang may maipadala sa kanyang pera kapag humihingi siya ng tulong.

Ngunit pagdating niya ay ibang party ang sumalubong sa kanya. Lamay ng patay ang naroon. Nakaburol si Lola Tinay. Maliligo raw ang matanda pero nadulas sa banyo at napahampas ang ulo sa lababo. Nabitawan niya ang kahon na kinalalagyan ng tatlong klase ng pizza. Ipapa-taste test sana niya sa kanyang lola  kung alin sa tatlo ang pinakamasarap.

Show comments