ISANG pating na may nakasaksak na 12-pulgadang patalim sa ulo nito ang humingi ng saklolo sa isang diver.
Kasamang sumisisid ng diving instructor na si Ben Johnson ang ilang turista sa baybayin ng Cayman Islands nang makita niya ang isang pating malapit sa kanilang ki-naroroonan.
Nilapitan ni Johnson ang pating na may habang 3 talampakan dahil kapansin-pansin ang kakaibang kinikilos nito.
Nang siya ay makalapit ay nakita niya ang patalim na nakasaksak sa ulo ng pating, na sa halip na maging mailap ay lumapit pa sa kanya at animo’y humihingi ng tulong para maalis ito.
Sinaklolohan naman ni Johnson ang pating at hinugot mula sa ulo nito ang patalim na nag-iwan ng isang malalim na sugat.
Isang nurse shark ang pating ayon kay Johnson. Hindi raw siya natakot lapitan ito dahil hindi naman karaniwang nananakit ng tao ang mga nurse shark na pulos lamang-dagat lang ang kinakain.
Ipinagbabawal na ang panghuhuli ng pating sa Cayman Islands noon pang 2015 at mahaharap sa $500,000 na multa o apat na taong pagkakakulong ang sinumang lalabag nito.
Mukha namang nasa mabuti nang kalagayan ang pating matapos itong mamataan muli sa bahagi ng karagatan kung saan ito natagpuan ni Johnson.