Lawa sa Australia, naging kulay pink
MARAMI ang namangha sa Melbourne, Australia matapos magkulay pink ang isang lawa roon.
Nag-iba ang kulay ng lawa dahil umano sa kumbinasyon ng mainit na panahon, ulan, at sa mataas na lebel ng asin na taglay ng tubig.
Matatagpuan ang lawa sa Westgate park na nasa timog na bahagi ng Australia at ayon sa mga nangangasiwa ng park, lumot daw na naninirahan sa asin na nasa ilalim ng tubig ang sanhi ng pagbabago ng kulay.
May nanggagaling daw kasing beta carotene mula sa lumot at ito raw ang nagbibigay ng pink na kulay sa lawa. Ang beta carotene rin ang nagbibigay kulay sa matingkad na pink na balahibo ng mga ibong flamingo.
Inaasahan namang babalik sa dati nitong kulay na asul ang tubig sa lawa kapag sumapit na ang taglamig sa Melbourne.
- Latest