NIYANIG ng magnitude 6.7 na lindol ang Surigao del Norte noong Pebrero 10 at sa kabila na mag-iisang buwan na ang pangyayari, patuloy pa ring nakakaranas ng aftershocks ang mga residente roon. Noong Linggo, nakaranas ng 5.9 magnitude ang mga taga-Surigao City at noong Lunes, nakaranas sila ng magnitude 3.7. Ayon sa Philippine Institute on Volcanology and Seismology (Phivolcs), tatagal ng ilang buwan ang mga mararanasang aftershocks. Nagpayo ang Phivolcs sa mga residente at local officials na ipa-check ang mga bahay at gusali para matiyak kung matibay pa itong gamitin.
Ang lindol na nangyari sa Surigao ay maaaring mangyari sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa kaya nararapat magdaos ng earthquake drill bilang paghahanda. Kailangang maihanda ang mamamayan para huwag mag-panic sa pagsapit ng lindol. Ang pagpa-panic kapag may lindol ang dahilan kaya maraming namamatay.
Ayon sa Phivolcs, hinog na ang West Valley fault kaya walang makakapigil sa paggalaw nito. Payo ng Phivolcs, kailangan ang paghahanda sa the “Big One”.
Noong Mayo 2015, inilabas ng Phivolcs ang mga lugar na sakop ng faultline ganundin ang mga istruktura na nasa ibabaw nito. Ayon sa Phivolcs, ang faultline ay nagsisimula sa Montalban, Rizal at nagtatapos sa Carmona, Cavite. Noong 2013, nagbabala na ang Phivolcs na kapag tumama sa Metro Manila ang 7.2 magnitude na lindol, 37,000 katao ang mamamatay at ang pinsala ay aabot sa P2.4 trillion. Natukoy ang West at East Valley Fault nang magsagawa ng pag-aaral ang Phivolcs katulong ang PAGASA, Mines and Geosciences Bureau sa tulong ng gobyerno ng Australia.
Kailangang magsagawa ng regular na earth- quake drill at pangunahan ito ng Metro Manila Deve-lopment Authority (MMDA). Nararapat mamulat ang lahat sa kahalagahan ng paghahanda sa pagtama ng lindol. Magdaos din sana ng fire drill sapagkat kadalasang ang kasunod ng lindol ay sunog. Paghandaan ang the Big One para maraming makaligtas.