MERON bang mahigpit na patakaran ang pamahalaan hinggil sa mga pagkaing itinitinda sa mga canteen o restoran sa loob ng mga ospital at ibang mga pagamutan? May panuntunan ba ang mga pagamutan para sa inirarasyon nilang pagkain sa mga pasyenteng nakaratay sa kanilang pasilidad?
Sa sarili kong karanasan at obserbasyon, tila hindi inaalintana ng mga nangangasiwa sa mga pagkaing itinitinda sa mga restoran, canteen o cafeteria sa loob ng ilang mga ospital, pribado man o publiko, ang klase o sustansiya o kung may sustansiya ba ang kanilang mga paninda. Ganoon din sa mga pagkaing inirarasyon para sa agahan, tanghalian at hapunan ng mga in-patient o mga pasyenteng nakaratay sa loob ng pagamutan.
Kung isa kang vegetarian, madidismaya ka sa mga putaheng pawang mga mula sa karne ng baka o baboy sa mga canteen at restoran sa ilang ospital na dapat sanang asahang magtitinda ng mga pagkaing nakakabuti sa katawan ng tao. Nakakagulat na sa mga canteen at restoran sa loob pa naman ng ospital ay itinitinda ang mga menudo, giniling, dinuguan, hotdog, beef steak, karne norte, longganisa, adobong baboy, apritadang baboy, bulalo at iba pang pagkaing base sa karne ng hayop. Kung meron mang gulay ay nasasahugan naman ang mga ito ng karne ng baboy o kaya ay mga sangkap na hindi puwede sa mga may sakit sa bato o hypertension. Bukod sa mga vegetarian, may mga pasyenteng masama sa kanila ang kumain ng mga pagkaing pampataas ng presyon ng dugo halimbawa o nagpapataas sa cholesterol at uric acid, o iyong nakakasama sa mga may sakit sa bato. Kung isang diabetic ang pasyente, hindi siguro siya dapat pakainin ng sorbetes. Sa inumin, mas marami pa yata ang mga softdrink sa kanilang paninda kaysa sa mineral water. Kung minsan, sa mga rasyon sa in patient, naghahain naman sila ng saging o mansanas pero hanggang doon na lang.
Sana ang bansa natin ay mayroong patakarang tulad ng ginagawa sa Qatar na nagpapataw nang mahigpit na regulasyon sa mga restawran at ibang kainang negosyo sa loob ng mga ospital at ibang pagamutan. Doon kasi, ang naturang mga restawran o canteen ay pinagbabawalang magtinda ng mga pagkain at inuming mataas sa calories tulad ng chips, chocolate at softdink. Hinihimok dito ang naturang mga kainan na maglaan ng 50 porsiyentong masusustansiyang pagkain at inumin sa kanilang mga paninda. Pinalalagyan din ng label ang bawat klase ng pagkain kung ano ba ang masustansiya o hindi gaanong masustansiya o walang sustansiya. At tiyak na maisasakatuparan ito dahil seryoso ang mga awtoridad sa naturang bansa na mahigpit mag-monitor at magparusa sa mga restawran na lumalabag sa mga patakarang pangkalusugan.