Sabi ng aking barkada, malalaman mo daw kung nagloloko ang iyong Mister sa kulay ng kanyang semilya. Tunay ba ito? (Gina)
Ang normal na kulay ng semilya ay puti o walang kulay (transparent). Malapot ito na parang gel ng buhok. Pagkaraan ng 30 minutos, ang semilya ay nagiging likido (liquid). Ito ay para makalangoy ito ng paakyat sa vagina, patungo sa fallopian tube kung saan puwede niyang tagpuin ang itlog (egg cell) ng babae. Kapag nagtagpo ang semilya at ang egg cell, dito nag-uumpisa ang buhay.
Ayon kay Dr. Anthony Ang, isang surgeon sa Manila Doctors Hospital, kapag ang semilya ay madilaw at may amoy, ang ibig sabihin ay may tulo o may impeksyon ang lalaki. Gonorrhea ang tawag sa impeksyon na ito. Kaibigan, mag-ingat at nakakahawa ito. Magpatingin agad sa doktor para magamot.
Dok, may discharge na lumalabas sa aking puerta (vagina). Madilaw ito at malansa ang amoy. May impeksiyon ba ako? (Ms. G.)
Oo, may impeksyon ka sa puerta. Ang normal na vaginal discharge ay dapat kulay puti at walang amoy. Kapag madilaw na ito o may amoy, marahil ay may yeast infection ka (hindi ito STD o galing sa sex). Nagkakaroon ng yeast infection ang mga babaing gumagamit ng panty liner o nylon panties. Mabilis kasi mapawisan. Kaya gumamit na lang ng cotton panties. Magpatingin sa isang OB-gynecologist para magamot ito.
Ano ang HPV infection?
Ang ibig sabihin ng HPV ay human papilloma virus. Ito ay isang virus na nagdudulot ng genital warts (kulugo sa puerta ng babae). Ang HPV ay puwedeng magtungo sa kuwelyo ng matris ng babae at maging kanser (cancer of the cervix). Para makaiwas sa HPV ang kababaihan, huwag makipag-sex kung kani-kanino lang. Para sa mga lalaki, huwag din gumamit ng bayaran na babae dahil puwedeng mahawa si Misis. Ingat po!