ANG mga taong matagal nang may Inflammatory Bowel Disease (IBD) ay mataas ang panganib na magka-colon cancer. Ang IBD ay ang pamamaga ng ilang bahagi ng bituka. Reaksyon ito ng katawan sa mga virus, bakterya at iba pang mikrobyong napupunta roon. Nagiging mabilis ang produksyon ng cells sa naturang lugar ng bituka at nawawalan ng pagkakataon ang mga cells na ma-repair ang DNA damage na nangyari sa colon.
Kung may kaanak kayong nagkaroon ng colon cancer, mas makabubuting sumailalim sa screening tests nang mas maaga. Ang naganap na “mutation” sa DNA structure ay posibleng mailipat sa susunod na henerasyon.
Huwag paniwalaan ang sabi-sabi na ang kanser ay lalaktaw ng isang henerasyon. Ang totoo, kapag may nagkakanser na sa malapit na kaanak ng pamilya, mas mataas na ang panganib ng pagkakaroon sa pamilya. Walang katotohanan na kapag nagkakanser na ang magulang, lalaktawan niya ang kanyang mga anak at maipapasa lang sa magiging apo.
Kung sasailalim sa colonoscopy, malalaman natin kung may tumor ba o polyps na tumubo roon. Ang colonoscopy ay isang procedure kung saan nagpapasok ng instrumento sa puwit upang masilip ang loob ng colon. Hindi masakit ang procedure na ito.
Kung may polyp man, maaaring obserbahan ito o tanggalin na upang hindi na maging cancerous sa kalaunan. Inuulit ko, ang polyp ay hindi naman talaga cancerous, pero may posibilidad na maging cancerous kalaunan. Maglaan ng panahon para rito.
Isa pang laboratory test na puwedeng gawin ay ang pagpapasuri ng level ng Carcino-embryonic Antigen (CEA) kapag kinuhan ka ng dugo sa laboratoryo. Kung makikitang medyo mataas ang level ng CEA at hindi pa naman lampas sa normal value, makagagawa na ng mga tamang hakbang upang makaiwas sa posibilidad ng colon cancer.