Mga bubuyog, naturuang mag-‘football’ ng mga scientist
MAY kakayahan din palang matuto ang mga insektong tulad ng bubuyog, ayon sa isang kakaibang pag-aaral.
Ito’y matapos magawang maturuan ng mga siyentista ang isang grupo ng bubuyog na maglaro ng ‘‘football’’.
Sa pamamagitan ng pang-eengganyo sa mga bubuyog ng tubig na may asukal ay nagawa nilang maturuan ang mga ito na itulak ang isang maliit na bola papunta sa goal.
Tinuruan nila ang mga ito sa pamamagitan ng isang maliit na plastic na bubuyog na ipinantulak nila sa maliit na bola habang nanunood ang mga tunay na bubuyog.
Natutunan ng mga bubuyog na gayahin ito at hindi nagtagal ay sila na mismo ang nagtutulak sa bola papunta sa goal.
Binibigyan ang mga bubuyog ng mga patak ng tubig na may asukal sa tuwing nakakaiskor ang mga ito upang ulit-ulitin nila ang kanilang ginagawa.
Patunay raw ito na marunong mag-isip ang mga bubuyog at may kakayahan ang mga itong makibagay sa kanilang kapaligiran, ayon kay Professor Lars Chitka na namuno sa pag-aaral na ginawa sa Queen Mary University of London.
Taliwas ito sa naunang paniniwala na wala masyadong kakayahan ang mga insekto na matuto dahil sa maliliit na utak ng mga ito.
Kinondena naman ng animal welfare groups ang pag-aaral, matapos mapag-alamang 49 na bubuyog ang namatay dahil dito.
- Latest