Limang taon na kaming kasal, pero hindi pa rin nagbubuntis si Misis. Ayon sa doktor, kulang daw ang semilya ko (low sperm count) at mabagal ang galaw nito. May bitamina bang pampalakas ng semilya? (Mr. B)
Oo, may doktor na nag-i-injection ng testosterone para dumami ang semilya ng lalaki. Ang vitamin E 400 IU capsule at vitamins na may Zinc ay maaaring magpalakas din ng galaw ng iyong semilya.
Sa mga drivers, maglagay kayo ng makapal na kutson sa inyong upuan. Masama kasi ang mainitan ang inyong bayag at baka mamatay ang inyong semilya. Ang init ng makina ay tumatagos sa upuan, at puwedeng makabawas sa semilya. Kaya nga maraming driver ang nababaog. Sundin ang payo ng doktor para matuloy ang kasabihang “Basta Driver, Sweet Lover”.
Dok, niloloko ako ng kaklase ko dahil supot daw ako. Dapat ba ako magpatule?
May dalawang paniniwala tungkol sa pagtutuli. Ayon kay Dr. Rey Joson, isang surgeon, walang masama sa pagiging supot. Nasasaktan lang daw ang mga bata kapag tinutuli.
Pero ayon naman kay Dr. Eduardo Gatchalian, isang urologist, mas maigi ang tuli kaysa sa hindi tuli. Ayon sa pagsusuri, ang pagtutuli ay nakababawas ng tsansa na magkakanser sa ari. Mas hindi rin tinatamaan ng HIV-AIDS ang mga tuli na lalaki.
Para sa akin, mas mabuti na ang magpatuli. Mas ligtas sa sakit, sa impeksyon, at mas malinis sa katawan ang mga tuli. Mayroon kasing tinatawag na “smegma”, isang malagkit at mabahong likido na kumakatas sa ari ng supot na lalake. Nanggagaling ang smegma sa balat na nakapulupot sa ulo ng ari (ang foreskin). Ang foreskin ang tinatanggal kapag tinutuli ang lalake.
Kailan maganda magpatuli ang mga lalaki?
Ang mga batang edad 10 hanggang 12 ang dapat magpatuli. Ito ang pinakamagandang panahon bago magbinata. Ang problema kasi sa pagtutuli ng sanggol ay baka masugatan ng doktor ang ari ng bata dahil napakaliit pa nito.