Contest sa pagandahanng nagyelong buhok, isinagawa sa Canada

HINDI lumalampas sa -3 Celsius ang karaniwang temperatura ngayon sa Yukon, Canada kaya naman nakaisip ng paraan ang isang kompanya ng hot springs doon upang mapakinabangan ang matinding lamig.

Inilunsad ng Takhini Hot Springs ang Hair Freeze contest kung saan magpapagandahan ng buhok ang mga kalahok habang ito’y nababalot ng manipis na yelo dahil sa sobrang lamig.

Kailangan lang ng mga kalahok na basain ang kanilang mga buhok habang nakalublob sa hot springs ng Takhini at pagkatapos ay maghintay na manigas ang mga ito mula sa napakalamig na hangin.

Kapag nagyeyelo na ang buhok ay puwede na itong ayusan at gawing iba’t ibang korte.

Ang sinumang mapipili  na may pinakamagandang style ng buhok ay mananalo ng $700 o katumbas ng higit P35,000.

Lamang ang mga may long hair sa kompetisyon na ito dahil mas madaling ayusan ng kakaibang mga hugis ang mahabang buhok.

Buong Pebrero idaraos ang contest at sa susunod na buwan naman iaanunsiyo ng Takhini kung sino ang nanalo.

Show comments