ISANG baka sa Wisconsin ang nakapagtala ng bagong world record, matapos itong makapag-produce ng 9,000 gallon ng gatas sa loob lamang isang taon.
“My Gold” ang pangalan ng baka na nakatira sa Ever-Green-View Farm sa Sheybogan, Wisoncsin.
Ang 9,000 gallon na nagmula kay My Gold ay tatlong beses na mas marami sa karaniwang dami ng gatas na nagmumula sa isang pangkaraniwang baka sa loob ng isang taon.
Si Tom Kestell ang nagmamay-ari sa baka at sa farm kung saan ito nakatira.
Sadya raw na nasa lahi na ni My Gold ang pagtatala ng world record dahil ang magulang nito ay isa rin world record holder ilang taon na ang nakararaan.
Ngunit kahit nagmula sa magandang lahi ang baka ay mahalaga pa rin daw para sa mga ito ang maayos na kapaligiran at sapat na pagkain upang makapag-produce ng maraming gatas.
Kaya naman pinakakain niya si My Gold at bawat baka sa kanyang farm ng halos 60 kilong pakain kada araw at binibigyan niya rin ng pagkakataon ang mga ito na magpagala-gala.
Epektibo naman ang paraan ni Kestell dahil ang anim sa walong record pagdating sa paggawa ng gatas ay hawak ng mga baka mula sa kanyang farm.