$100,000 natagpuan sa loob ng itinapong TV set
NAGKATOTOO ang kasabihang may pera sa basura matapos matuklasan ng isang recycling company sa Canada na may lamang $100,000 (katumbas ng higit P5 milyon) ang isa sa mga itinapong TV set na kanilang pino-proseso sa kanilang planta.
Kinakalas ng isa sa mga empleyado ang lumang TV set nang madiskubre niyang may laman itong bungkos-bungkos na mga salapi.
Unang kita pa lang daw sa salapi ay halata kaagad na malaki ang halaga nito dahil apat na makakapal na bungkos ito na tig-$50, ayon kay Rick Deschamps na general manager ng planta.
Bukod sa salapi ay may mga natagpuan din na mga dokumento sa loob ng mga TV kaya mabilis na natunton ng mga kinauukulan ang 68-anyos na lalaki na dating nagmamay-ari ng TV.
Hindi na kinilala ang lalaki, na nagsabing inipon niya ang salaping natagpuan sa TV upang ipamana sana sa kanyang mga mahal sa buhay kapag siya ay namayapa na.
Ngunit nakalimutan na niya ang tungkol dito nang ibigay niya sa isang kaibigan ang lumang TV.
Sa huli ay Ibinalik ng mga pulis sa lalaki ang $100,000 at pinayuhan siyang ilagay na sa isang savings account ang limpak-limpak na salapi.
- Latest