Sa boarding house noong college pa ako, kawawa ang mga babaing walang boyfriend kapag Valentine’s Day. Sila lang ang walang date at walang nagpapadala ng bulaklak. ‘Yun pa namang mga boyfriend ng mga kasama ko, pasikat. Pagandahan ng flower arrangement at paramihan ng roses.
May dalawa akong kasama na hindi ligawin (as in walang nanliligaw) kaya walang boyfriend. Pangalanan natin sila Girl 1 at Girl 2. Hindi naman sila pangit. In fact, flawless ang skin nila at matalino. Sa magandang school sila nag-aaral. Pero isang Valentine’s Day, may dumating na isang bouquet of flowers kay Girl 1. Ilang oras ang lumipas, dumating naman ang isang dosenang mini pink balloons with one box of chocolates kay Girl 2. Aba may love life na pala ang dalawa at bongga ang mga regalo. Lalo na ‘yung pink balloons, ang cute. Ang lalaking nagpadala kay Girl 1 ay bago pa raw niyang kakilala sa school. Ang nagpadala naman kay Girl 2 ay mystery admirer daw kaya walang name ng sender sa card.
Isang araw ay may ibinulong sa akin ang isa kong boardmate na pinaka-vibes ko sa lahat, si Tin. Ang ipinadalang flowers sa kanya ay inorder ng kanyang boyfriend malapit sa school na pinapasukan nito. Noong inililista na raw ng staff ng flower shop ang address ng pagpapadalhan niya, ay parang nagulat at may naalaala ito.
“Parang narinig ko na ang address na ‘yan” sabi ng babae. Tapos nag-isip. Tiningnan ang notebook na pinaglilistahan ng address ng recipient at pangalan ng umorder ng bulaklak or sender.
“Ah, eto. Pangatlo ka na sa nagpadala sa address na ito. Two hours ago lang. Kaya natandaan ko ang address. Kaso hindi ipinalista ng dalawang babae ang pangalan nila.”
“Babae? Anong hitsura?”
Ang description ay sakto sa hitsura nina Girl 1 at Girl 2. Ibig sabihin, sila ang nagpadala ng Valentine’s gift sa kanilang sarili. Malapit ang school ng boyfriend ni Tin sa school nina Girl 1 at Girl 2. Nanatiling lihim iyon hanggang sa magkahiwa-hiwalay na kaming magkakasama sa boarding house. Bigla kong naalaala ang pangyayaring ito nang mabasa ko ang tungkol sa pink balloons ni Kris Aquino.