MAY nabasa akong libro na, bagaman relihiyoso ang tema, ay tumutumbok sa isang usapin ng pag-iibigan o relasyon ng isang lalaki at isang babae. Ito iyong kung bakit marami ang nakakadarama ng kabiguan, kasawian, kalungkutan at paninibugho kapag hindi natugunan ang nadarama nilang pagmamahal sa isang tao. May mga gumagawa pa ng karahasan, nagwawala at nasisiraan ng isip dahil pinagtaksilan o pinagpalit sa iba o kaya hindi pinansin o niloloko kaya ng taong pinag-ukulan nila ng tinatawag nilang wagas na pagmamahal. Hindi nila matanggap ang naranasan nilang kabiguan.
Pinatutungkulan ng libro ang tinatawag na pag-ibig na walang hinihintay na kapalit. Tila nga napakabigat at napakahirap nito para magawa ng sino mang ordinaryong tao. Pero meron din naman itong punto. Bakit kapag nagmahal ka, umaasa kang mamahalin ka rin? Ibig bang sabihin, kailangan mahalin ka rin ng taong mamahalin mo. Kung tapat ka sa kanya, ibinibigay mo sa kanya ang lahat, ang puso at panahon mo ay iniuukol mo sa kanya. Inaalagaan mo siya, tinutugunan ang kanyang pangangailangan hanggang sa abot ng iyong makakaya, at lagi kang kasama niya sa panahon ng kanyang kasayahan, kalungkutan, pakikibaka sa buhay, kabiguan at tagumpay. Pero, paano kung sa kabila ng lahat ng iyong magagandang nagawa para sa kanya, hindi ka pala niya magagawang mahalin? Meron na palang ibang nagmamay-ari ng kanyang puso. Hindi niya nagawang tapatan ang pagmamahal na ibinigay mo sa kanya. Kaya, ang resulta, matinding kalungkutan at kasawian ang sumasakmal sa taong nabigo sa pag-ibig. Magtatampo o mamumuhi ka sa taong hindi ka pala kayang mahalin nang totoo. Dahil umasa at naghintay kang mamahalin ka rin niya kapalit ng pagmamahal na iniukol mo sa kanya.
Siyempre, mas masaya ang isang lalaki o isang babae kung mamahalin din sila ng taong pinag-uukulan nila ng pag-ibig. Kung hindi sila ipagpapalit sa iba ng taong pinangarap nilang makasama habambuhay.
Subalit gaano nga ba kahanda ang isang tao o pinaghahandaan ba niya kung sakaling matuklasan niyang sa kabila ng pagmamahal niya sa isang lalaki o babae ay hindi pala nito magagawang mahalin siya na tulad ng inuukol niyang damdamin dito. Hindi pala siya ang forever ng taong mahal niya. Ibang tao ang laman ng puso’t isipan nito.
Sabagay, mga tao lang tayo rito sa Daigdig. Marami sa atin ang natural na makadama ng kabiguan, pagdurusa, paninibugho at kalungkutan kapag pinagtaksilan o iniwan ng taong minamahal natin. Pero, ayon sa nabasa kong libro, hindi umano sana mangyayari ito kung matututuhan nating magmahal nang walang inaasahang kapalit. Pag-ibig na walang sukli. Mamamahalin mo ang isang tao kahit wala itong pagmamahal sa iyo. Hindi ka man mahalin nito, aalalahanin mo pa rin ang kanyang kapakanan, kabutihan, kaligtasan, kapayapaan ng isip, at maayos na buhay at kinabukasan. Dito masusubukan kung gaano mo kamahal ang isang tao. Walang sukatan. Walang sukli. Walang kapalit.