Ilang taon na po nang magpatingin ako sa isang surgeon tungkol sa aking cyst sa suso, sa may bandang kanan, malapit sa may kilikili. Iniskedyul po ng doktor ang operasyon. Pero natakot po ako kaya hindi natuloy.
Makalipas ang ilang buwan ay nakaalis ako patu-ngong Middle East. After two years ay nagbakasyon ako riyan sa atin. Naka-apat na buwan muna ako riyan bago ako bumalik.
Ayaw pong pumayag ng mister ko at ng nanay ko na magpa-opera ako.
Matagal na po kasi ito. Dalaga pa ako noon, at ngayon nga ay 30 years old na ako. Dati ay parang butil lamang ng mais ang sukat nito. Pero ngayon ay parang lumalaki. At medyo kumikirot pag malamig at pag malapit na akong reglahin. -- Mrs. TM
Kung ikaw ay may kaanak – nanay, lola, tiyahin, kapatid, o pinsang-buo – na may kasaysayan ng kanser sa suso, maipapayo kong ipaalis agad ang bukol at ipa-biopsy ito. Mas mataas kasi ang panganib na magkakanser sa suso ang babaing may kaanak na nagkaroon nito.
Ngunit kung ang sinasabi mong cyst sa suso ay lumabas noong dalaga ka pa, maaaring fibroadenoma lamang ito. Isang uri ng tumor sa suso na hindi cancerous. Dala ito ng sobrang secretion ng hormonang estrogen. Kung matitiyak na ito’y fibroadenoma nga, baka hindi na kailanganin pa ang operasyon. Kusa na lang itong maaalis.
Pero kung hindi mapakali sa bukol, puwede itong ipaalis sa pamamagitan ng operasyon, na kadalasa’y sa Out-Patient Section lamang ginagawa. Simple lamang ang procedure na ito, at ang ginagamit na pampamanhid ay local anesthesia.
Depende sa pagsusuri ng doktor, puwedeng ipa-biopsy niya ang nakulektang bukol para lamang tiyakin na hindi nga cancerous ang naturang bukol.
Huwag balewalain ang bukol sa suso. Maraming tao ang nagkakanser sa suso na nabuhay sana ng mas matagal kung maagang natuklasan ito, at nagawan ng tamang hakbang gaya ng operasyon at chemotherapy. At doon sa mga kaso ng breast cancer na nag-iisip ng alternative therapy bukod sa operasyon at chemotherapy, mag-isip po tayong mabuti. Masyadong mabagsik at mabilis magparami ang cancer cells kaya hindi ito puwedeng daanin sa pagkain ng mga organic foods lamang. Maipapayo kong sumailalim sa nabanggit na procedure at pagkatapos ay magkaroon ng pagbabago sa lifestyle, kasama na ang diet.
Isang kaibigan kong doktora, sa edad niyang 30, ang nakakapa ng bukol sa suso. Agad niya itong ipina-biopsy. Lumabas sa pagsusuri na ito pala ay cancerous. Nasa Stage 2 ang cancer niya. Agad siyang sumuong sa operasyon at nagpa-chemotherapy. Ngayon ay “under remission” siya. Nagkaroon siya ng dalawang anak matapos na siya ay gumaling sa kanyang breast cancer.
Ugaliing magsagawa ng self breast examination.