Batang kamot nang kamot

NAPAPANSIN n’yo bang laging nagkakamot ang inyong anak? Alamin ang sanhi ng kanyang pagkakamot! Depende sa lugar kung saan nagkakamot, may clue na tayo kung ano ito. Ang pangangati ng ulo ay maaaring dahil sa kuto o lisa. Kung may kuto nga, gumamit ng Kwell shampoo upang mapuksa pati ang mga itlog nito. Iwasang makipaghiraman ng suklay o unan upang hindi na muling magkakuto.

Kung nagkakati sa dakong puwit, baka may alagang bulate sa tiyan. Ang mga pinworms ay nangingitlog sa may bukana ng puwit kapag gabi. Mapapansing nagkakamot ang mga bata sa dakong puwit tuwing gabi. May gamot kontra-pinworm na makagagamot dito.

Kung nagkakati sa pagitan ng mga daliri, baka galis-aso ito (scabies). May espesyal na lotion na ginagamit (gaya ng Eurax at Kwell) para puksain ito. 

Kung nangangati ang paa, baka athlete’s foot ito. Laging gumamit ng medyas na yari sa cotton. Matapos hugasan at patuyuin ang paa, lagyan ng anti-fungal na foot powder o cream. 

Ang mga kinakain natin ay puwedeng magdulot ng panga-ngati ng katawan.  Food allergy ang tawag dito. Kapag nangati matapos kumain ng isang partikular na pagkain, tandaan ang pagkaing ito. Iwasan muna.

Tanungin ang inyong anak kung may nainom siyang bagong gamot. Lalo na kung ang pangangati ay may kasamang mga rashes sa balat. Ihinto ang paggamit ng naturang gamot.

Tingnan ang inyong mga pets sa bahay. Baka naman may mga pulgas na ang inyong aso. O baka naman katabi pa ng inyong anak na nahihiga sa kama ang kanyang alagang aso o pusa.

Nagdudulot ng matinding pangangati ang sakit na bulutong-tubig (chickenpox). Iwasang putukin ang mga butlig na may tubig. Iwasan ding kamutin ito upang maiwasan ang pagkakaroon ng malalalim na pilat.

May mga lotion na puwedeng ipahid para sa pangangati ng balat gaya ng Calamine lotion. May mga cream din gaya ng Betnovate at Dermovate.

Kung hindi makatulog dahil sa pangangati, puwedeng magreseta ang doctor ng tabletang may pampaantok gaya ng Benadryl at Iterax.

Subukang paliguan ang inyong nagkakating anak. Haluan ng baking soda ang tubig na pampaligo. Makagiginhawa ito sa pangangati.

Gumamit lamang ng mga cotton na underwear. Puwedeng makairita sa balat ang wool at nylon.

Kung kayo ay nagpalit ng sabong panglaba o fabric softener, ibalik ang dating brand na ginagamit. Tingnan kung maaalis ang iritasyon. Hugasang mabuti ang mga nilabhang damit.  

Panatilihing laging maigsi ang kuko upang sakaling magkamot, hindi masusugatan ang balat at hindi maiimpeksyon.

Show comments