LIMANG minuto lang ang pagitan ng pagkapanganak sa siyam na buwang sanggol na sina Kalani at Jarani ngunit hindi aakalaing kambal ang dalawa dahil sa pagkakaiba ng kanilang itsura.
Hindi lang pangkaraniwang fraternal twins ang dalawa o yung uri ng kambal na hindi magkamukha dahil ang mismong kulay ng kanilang balat ay magkaiba.
Ang isa sa kanila ay maputi at may kulay asul na mga mata samantalang ang isa naman ay parehong kulay kayumanggi ang balat at ang mga mata.
Ito ang dahilan kung bakit sinasadya ng kanilang ina na suutan ng magkaparehong damit ang magkapatid dahil hindi raw kaagad naniniwala ang mga tao na kambal ang dalawa.
Hindi naman daw dapat ipagtaka ang pagkakaiba sa kulay ng balat ni Kalani at Jarani lalo na’t magkaiba talaga ang lahi ng kanilang mga magulang.
Caucasian o lahing puti kasi ang kanilang ina samantalang African-American naman ang kanilang ama.
Gayunpaman, napakapambihira pa rin para sa isang kambal na magkaroon ng magkaibang kulay ng balat. Ayon sa geneticist na si Jim Wilson ay 1 sa 500 na beses lamang ang tsansang mangyayari ito sa mga kambal na nagmula sa mga mag-asawang magkaiba ng lahi.