ISA sa bunga ng makabagong teknolohiya sa kasalukuyan ang tinatawag na power bank na naging solusyon sa problema ng mga baterya ng smartphone na naubusan na ng enerhiya at walang electrical outlet sa paligid na maaaring masaksakan ng re-gular na recharger nito.
Nilutas ng power bank iyong mga sitwasyon na nasa isa kang umaandar na sasakyan na kailangan mong gumamit ng smartphone pero ‘lowbat’ na ito o nasa isa kang liblib na lugar na walang regular na electrical outlet na masasaksakan ng recharger. Maaari ring habang ginagamit mo ang smartphone tulad sa pagtawag o panonood ng video o paglalaro ng games ay nakasaksak dito ang power bank para matiyak na mas hahaba ang buhay ng baterya. Kailangan nga lang tanggalin ang power bank kapag full power na ang baterya para hindi ito masira.
Parang naging katulong ng mga regular recharger ang mga power bank na hindi naman matatawag na kahalili ng una sa pagsu-suplay ng kuryente sa baterya ng smartphone.
Kung tutuusin, ang power bank ay imbakan lang ng reserbang kuryente na magagamit sa sandali ng lubhang pa-ngangailangan. Hindi rin naman permanente ang reserbang ito dahil nasasaid din ang laman niya sa matagal na paggamit. Kapag naubusan ito ng power, kailangan din itong i-recharge. Kaya nga, hangga’t maaari, ginagamit lang ang power bank sa panahon ng emergency o mga pagkakataong walang ibang paraan kung walang nakalaang regular na recharger o electrical outlet. Para siyang banko ng pera na magwi-withdraw ka lang kung kailangan talaga. Hindi siya dapat ituring na kapalit ng regular na recharger ng baterya.
Hangga’t maaari, kung me masasaksakan naman ang regular na recharger ng iyong smartphone, ito na ang gamitin. Marami na rin namang mga charging station sa kapaligiran tulad sa mga convenience store at shopping mall na sa konting barya lang ay maaari mo nang mai-recharge ang baterya ng iyong pinahahalagahang smartphone. Puwede rin ngang i-recharge ang smartphone sa mga computer o laptop dahil sa mga USB devices ng mga ito.
Kung madalas kasi ang paggamit ng power bank, baka dumating ang panahon na kung kailan emergency o kaila-ngang-kailangan mo ang serbisyo nito ay hindi mo pala mapapakinabangan dahil lowbat na rin ito at walang masasaksakang electrical outlet para mai-recharge. Hindi mo na magamit ang regular recharger, hindi pa rin magamit iyong power bank. Tandaan na ang power bank ay nauubusan din ng lakas. Isa lang itong imbakan ng kuryente. Reserbang enerhiyang maaaring hugutin sa sandali ng lubang pangangailangan.