KAHAPON, isa na namang overseas Pilipino worker ang binitay dahil sa pagpatay umano sa anak ng kanyang amo. Ang Pilipina ay nakilalang si Jakatia Pawa, 39, taga-Zamboanga City. Binitay siya dakong 10:19 ng umaga sa Kuwait. Nasentensiyahan si Jakatia noong 2007 dahil sa pagpatay umano sa anak na babae ng amo. Pinagsasaksak daw umano ni Jakatia ang tinedyer na anak ng amo. Pero ayon sa mga kaanak ni Jakatia, na-frame-up lamang ito. Ang ina raw ng tinedyer ang pumatay sapagkat nahuli ito na nakikipagtalik sa boyfriend nito. Nagalit umano ang ina sa anak. At para mailigtas ang sarili, si Jakatia ang itinurong sumaksak. Pero hindi umano pinaniwalaan ng korte si Jakatia. Hinatulan siya ng Kuwait Court of First Instance. Pinagtibay ang hatol na bitay sa Pilipina. Tumanggi rin umano ang mga magulang ng biktima na tanggapin ang “blood money”. Dahil doon kaya natuloy ang bitay sa OFW.
Marami ang nabigla sa pangyayari kabilang ang mga kamag-anak ni Jakatia. Ayon sa lalaking kapatid ni Jakatia, tinawagan daw siya nito kahapon ng madaling araw at nagpapaalam na. Ipinagbilin na alagaan ang dalawang anak nito. Hanggang sa matanggap na nila ang balitang binitay na nga ito kahapon, eksaktong 3:19 ng hapon sa Pilipinas.
Sabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) ginawa nila ang lahat nang paraan para mailigtas sa bitay si Jakatia. Lahat daw ay ginawa ng embahada ng Pilipinas sa Kuwait subalit ang batas doon ang namayani. Nirerespeto umano ng Pilipinas ang justice system ng Kuwait.
Hindi si Jakatia ang unang OFW na nabitay. Una ay si Flor Contemplacion na naakusahan ding pumatay sa kapwa OFW at inaalagaan nitong bata sa Singapore noong 1995. Kinondena ang pagbitay kay Contemplacion sapagkat hindi nakagawa ng paraan ang pamahalaan para maisalba ang buhay ng OFW.
Maraming taon na ang nakararaan mula nang maganap ang pagbitay kay Contemplacion pero wala pa ring nagagawang paraan ang pamahalaan para matigil na ang exodus ng mga OFW. Wala pa ring sapat na trabaho sa bansa kaya walang tigil ang pag-alis ng mga Pinoy para mamasukan. Gusto nilang kumita para umunlad ang pamilya. Pero sa halip na umunlad, kamatayan ang nasumpungan.
Sana, sa panahon ng Duterte administration, magkaroon na nang maraming trabaho para wala nang lalabas ng bansa para magpaalila. Kung walang lalabas, wala nang maaakusahang pumatay at hindi mabibitay.