Ngayon ang ikalawang taon ng malagim na ‘Mamasapano incident’, kung saan 44 na tauhan ng PNP-Special Action Force (SAF) ang nasawi sa isang kontrobersiyal na misyon.
Uminit ang usapin sa insidenteng ito, na maging si dating Pangulong Noynoy Aquino ay nadawit sa kontrobersiya.
Hanggang sa ngayon, ang sigaw pa rin ng mga pamilya at kaanak ng mga nasawing SAF ay ang mabigyan nang hustisya o kalinawan man lang at mapanagot ang mga taong maaaring nagkulang o may pagkukulang kaya sinapit ng Fallen 44 ang ganung uri ng kamatayan.
Bagamat, masasabi ngang kung papasukin ng isang tao ang pagiging pulis o sundalo ay handa itong harapin ang katotohanan na lagi talaga silang nasa bingit ng kamatayan.
Gayunman, ang magpahanggang sa ngayon ay hindi matanggap ng pamilya ng mga nasawi ay ang pakiramdam o katotohanan na tila pinabayaan ang kanilang mga mahal sa buhay.
Na may pagkakataon na pewede sanang maisalba ang buhay ng mga ito sa gitna ng labanan, pero dahil sa tila pinangalagaan ang usaping pangkapayaan noon ng nagdaang administrasyon, ay maraming isinaalang-alang para gawin ang rescue operation sa mga naipit na SAF.
Hanggang sa ngayon ay marami pa ring mga katanungan ang hindi nasasagot o nabibigyang linaw.
Marami pa ring mga ipinangako sa kanilang mga naulila na hindi pa naibibigay na nagdaragdag ng dagok sa kanilang mga naulila.
Sana nga ay maisakatuparan ngayon ni Pangulong Duterte ang gagawin niyang pagtulong sa pamilya ng SAF 44, gayundin ang pagkilala sa lahat ng mga ito, na mistulang hindi nangyari noong nakaraang administrasyon.
Pinabubuksan na rin ni Pangulong Digong ang imbestigasyon sa Mamasapano incident.
Higit sa lahat ay ‘wag sanang makalimutan ang naging kabayanihan ng Fallen 44.