^

Punto Mo

Rabies sa kagat ng aso

SHOOTING STRAIGHT - Dr. Willie T. Ong - Pang-masa

MARAMING Pilipino ang nakakagat ng aso o pusa. Delikado po ito dahil puwede itong magdulot ng rabies. Sa bawat taon, 600 Pilipino ang namamatay sa rabies, at 100,000 naman ang binabakunahan laban sa rabies.

Ang rabies ay nakukuha sa laway ng aso, pusa, daga at paniki na may sakit ng rabies. Kapag tinamaan ang pasyente ng rabies, maghihintay pa ng 3 hanggang 8 linggo bago magkakaroon ng sintomas. Ang sintomas ng rabies ay ang pamamanhid sa lugar ng sugat, pagwawala, paglalaway at paninigas ng masel sa mukha.

Tandaan: Kapag nagkaroon na ng sintomas ng rabies ay mahirap na itong gamutin. Dahil dito, kailangan nating maagapan ang lahat ng kagat ng aso at pusa.

First-aid sa kagat ng aso at pusa:

1. Hugasan ang sugat gamit ang sabon at umaagos na tubig sa loob ng 10 minuto.

2. Lagyan ng povidone iodine ang sugat. Huwag lagyan ng ointment o takpan ng masikip ang sugat. Gusto nating lumabas ang laway ng hayop na posibleng may dala ng rabies.

3. Tandaan: Huwag ng lagyan ng bawang, suka, o colgate ang sugat. Hindi ito nakagagamot at baka magdulot pa ng tetanus.

4. Dalhin kaagad ang pasyente sa ospital tulad ng PGH sa Taft Avenue, San Lazaro Hospital sa Tayuman, Manila, o RITM sa Alabang.

5. Hulihin ang aso at obserbahan ito ng 10 araw. Kapag nagpakita ang aso ng senyales ng rabies (naglalaway at nagwawala), dalhin ito sa nakatakdang ospital (tulad ng RITM) para ma-eksamen ang utak ng hayop.

Kailan nagbibigay ng bakuna:

1. Kapag nalawayan ka lang ng hayop at wala namang sugat sa balat, ligtas ito at hindi kailangang magpabakuna.

2. Ngunit kapag nakagat ng hayop at may sugat, kailangan ng bakuna laban sa rabies. Obserbahan ang aso ng 10 araw. Kapag walang nangyari sa hayop, ang ibig sabihin ay wala itong rabies at ligtas ang pasyente.

3. Kapag malalim ang kagat ng aso, o nakagat sa bandang mukha o leeg, kailangan agad bigyan ng bakuna at gamot ang pasyente. Dalhin agad sa mga nabanggit na ospital.

Tips para makaiwas sa rabies:

1. Para makaiwas sa sakuna at makasakit ng ibang tao, pabakunahan ang inyong mga alagang aso.

2. Huwag hayaang makawala ang aso at lagyan ito ng tali.

3. I-report ang gumagalang aso sa otoridad.

4. Kapag naglalakad sa kalsada, magdala ng payong para may pang-taboy kayo ng aso.

5. Huwag hayaan ang bata na makipaglaro sa hayop.

6. Huwag guguluhin ang mga hayop habang sila ay kumakain, natutulog o nag-aalaga ng kanilang anak.

7. Kapag may sugat kayo sa katawan, huwag hayaang dilaan ng aso ang iyong sugat at baka mahawahan ka ng rabies virus.

8. Sa mga nag-aalaga ng hayop, puwede kayong magpabakuna na laban sa rabies. Kumunsulta sa inyong doktor.

FIRST-AID SA KAGAT NG ASO AT PUSA

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with