ILLEGAL drugs, korapsiyon at illegal na sugal ang prayoridad ni President Rodrigo Duterte. Nagtatagumpay na ang kampanya niya sa illegal na droga sapagkat marami nang sumukong drug traffickers at marami na ring napatay sa police operations. May nakikita na ring tagumpay sa paglaban sa mga korap sa pamahalaan.
Noong nakaraang linggo, sinabi ni Duterte na ang illegal na sugal naman ang kanyang haharapin. Isa ang jueteng sa nais niyang mawala sa kultura ng mga Pilipino. Daan-taon nang namamayani ang jueteng sa komunidad. Kadalasang sa mga mahihirap na lugar sa bansa laganap ang jueteng. Mayroong ang ibibili ng bigas at sardinas ay natutukso pang itaya sa jueteng sa pag-asang mananalo.
Lumikha na ng task force on illegal gambling si Duterte para i-overhaul ang small-town lottery (STL) na nagiging front ng jueteng, masiao, two balls at iba pang illegal na sugal sa bansa. Si Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang pinuno ng task force kasama sina Executive Sec. Salvador Medialdea at Finance Sec. Carlos Dominguez. Plano ng task force na wakasan na ang mga illegal na sugal sa bansa.
Sana, totoo na ang kampanyang ito sa ilalim ni Duterte. Sana mawakasan na ang jueteng na ang gambling operators lamang ang nakikinabang at yumayaman. Ang mga mananaya na isang kahig, isang tuka ay lalo lamang malulubog sa kumunoy ng kahirapan.
Masisisi ang gobyerno ni Pres. Gloria Macapagal-Arroyo sapagkat sa kanyang termino nagsimula ang Small Town Lottery na ang layunin ay para raw matigil ang jueteng. Pero hindi nagkatotoo sapagkat lalo pang namayagpag dahil ginawang front ng jueteng operators. Kumamal ng pera ang governor, mayor, vice mayor, pati barangay officials at lalo na ang mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Nangako naman si dating Pres. Noynoy Aquino na bubuwagin na ang STL at papalitan ng Loterya ng Bayan. Ang Loterya raw ang tatapos sa jueteng. Wala ring nangyari sa plano. Lalong lumakas ang jueteng.
Ngayo’y ang pangako naman ni Duterte na wawakasan na ang jueteng. Totoo na sana ito. Nagsasawa na ang taumbayan sa puro salita lang pero walang aksiyon.