SA Hunyo 30 gaganapin ang Miss Universe pageant. Ito ang ikatlong pagkakataon na idaraos sa bansa ang pageant. Una ay noong Hulyo 1974 at ikalawa noong Mayo 20, 1994. At sa unang pagkakataon, walang gagawing pagtatago sa tunay na kalagayan ng buhay ng mga Pilipino. Walang ililingid sa mga mata ng mga kandidata ng Miss Universe habang nasa Metro Manila.
Sa dalawang idinaos na beauty pageant, maraming itinago sa mga mata ng kandidata ang pamahalaan. Noong 1974, pinalagyan ng tabing ni dating First Lady Imelda Marcos ang mga dadaanan ng kandidata para hindi makita ang slum areas. Lahat nang butas ay tinakpan para hindi makita ang mga tagpi-tagping bubong ng mga barung-barong.
Ganito rin ang ginawa noong 1994, nilagyan din ng tabing ang mga bahaging nakikita ang kahirapan ng mga Pilipino. Walang makikitang pangit habang naglalakbay ang mga kandidata.
Nang dumating naman sa bansa si Pope Francis noong Enero 2015, ganito rin ang ginawa. Tinakpan din ang mga bahaging makikita ang kahirapan ng mga Pinoy. Hinakot din ang mga pulubi, batang kalye at mga taong grasa at dinala sa isang resort sa Batangas. Isang linggo sa resort ang mga pulubi at pinakakain doon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Pero makaraang makaalis ang Pope, muling ibinalik sa Metro Manila ang mga pulubi. Balik sila sa Roxas Blvd., Taft Avenue, Rizal Avenue at iba pang lugar para mamalimos.
Nang idaos ang APEC sa Maynila noong 2015, ganito muli ang ginawa. Nilinis sa pulubi ang mga kalsada sa Maynila at nang matapos ang event, nagbalikan muli ang mga kapuspalad.
Ngayong idaraos muli sa bansa ang Miss Universe, hindi na itatago ang kahirapan ng bansa. Walang beautification project na gagawin. Ito raw ang gusto ni President Duterte. Hayaang makita ng mga kandidata ang tunay na kalagayan ng buhay ng mga Pinoy.
Tama ang pasyang ito. Hindi dapat itago ang katotohanan. Nararapat nang alisin ang pagkukunwari na matagal nang namamayani sa bansa.