SA mahabang kasaysayan ng tao sa mundo, napakatagal nang kabilang sa kanyang kinakain araw-araw ang mga karne ng ilang uri ng hayop tulad ng baka, baboy, usa, kambing, manok, ibon at isda. Saan mang larangan kahit sa mga relihiyon, hindi nawawala ang usapin ng pagkain ng karne ng hayop.
Pero, sa pagsulong ng siyensiya, natuklasan ng mga dalubhasa na bagaman, kinakailangan ng tao ang enerhiya at ibang kinakaila-ngang sustansiyang nakukuha sa karne ng naturang mga hayop, meron din itong masamang epekto sa ating kalusugan tulad ng pagiging sanhi ng sakit sa puso, mataas na alta presyon at iba pang karamdaman. Kaya nga hangga’t maaari ay ipinapayo ng mga health expert ang balanseng pagkain na bukod sa pagkain ng karne ay kailangan ding kumain ng mga gulay at prutas. Mas iminumungkahi rin ang pagkain ng tinatawag na white meat tulad ng karne ng isda at manok. Bawasan ang red meat tulad ng karne ng baboy at baka.
Meron din namang nagsusulong ng vegetarianism o iyong sistema na puro gulay lang ang kinakain. Puro gulay lang na walang halong karne ng hayop. Pampahaba rin umano ito ng buhay kasabay ng malusog na istilo ng pamumuhay tulad ng regular na pag-eehersisyo.
Gayunman, may mga sektor at organisasyon din sa buong mundo na ang pagtataguyod sa vegetarianism ay hindi lang dahil sa pagpapamulat sa kahalagahan at kabutihan ng mga gulay sa kalusugan ng tao kundi dahil din sa pagtataguyod sa karapatan ng mga hayop. Isinusulong nila ang kampanya laban sa mga pananakit at iba pang kalupitan ng tao sa anumang uri ng hayop. Inilalarawan nila kung paanong ang mga hayop ay nagdurusa habang inihahandang katayin para kainin ng tao. Meron namang kumokontra at nagsasabing dapat huwag na ring kumain ng mga gulay dahil ang mga halaman ay mayroon ding sariling buhay tulad ng makikita sa kung paano ito lumalaki at namumunga.
Parang pamimilosopo pero meron din namang punto na, kung hindi dapat kainin ang karne ng hayop, hindi rin dapat kainin ang mga halaman dahil meron ding buhay ang mga ito. Ano na lang ang kakainin ng tao? Prutas na lamang? Pero ang mga prutas tulad din ng halaman o gulay ay tila may buhay din na mamamalas sa kanilang pag-usbong mula sa pagiging binhi hanggang sa maging ganap na bunga. May nagpapalagay naman na ang mga hayop ay nilikha ng Diyos para kainin ng tao. Siyempre, tiyak na ganito rin sa mga halaman at prutas na masasabing nilikha rin ng Diyos para kainin ng tao.