Ang paboritong upuan ni Lolo Indo

NAGING malungkutin si Lolo Indo simula nang pumanaw ang kanyang pinakamamahal na asawa. Madalas siyang nakikitang nakaupo sa harapan ng sari-sari store ng kanyang anak na si Minda. Doon siya lagi nagbabasa ng diyaryo. Pagkatapos magbasa ay sasagutin naman niya ang cross word puzzle. Nagtatagal siya sa pagkakaupo sa harapan ng tindahan dahil kung minsan dito rin niya iniinom ang kanyang kape. Isang umaga ay umalis si Minda para mamalengke. Nagpaalam ito sa ama habang nagsasagot ng cross word puzzle.

“Itay pupunta lang ako sa palengke. Sandali lang ako. Ikaw muna ang tumao sa tindahan ha ? May price tag naman ang lahat ng items, kaya hindi ka malilito.”

Nasa school ang mga apo niya. Ang manugang niya ay umalis na patungo sa trabaho. Noong buhay pa si Lola Ada, ito ang tumatao sa tindahan kapag umaalis si Minda. Ngayon, walang choice si Minda kundi siya ang utusang tumao sa tindahan.

Marahil ay mga sampung minuto ang nakakaraan mula nang umalis si Minda, nang may tumawag sa kanyang pangalan:

Indo!

Malakas para hindi niya marinig. Ang boses ay nanggaga-ling sa loob ng bahay.

Indo!

Inulit na naman. Ang boses ay nanuot sa kanyang tenga kaya sigurado niyang boses iyon ni Lola Ada. Naroon ang urgency sa boses. Iyon ang tono ng boses ni Lola Ada nang tawagan siya at sabihing sumasakit ang dibdib nito. Nawala si Lolo Indo sa kanyang sarili at napatakbo sa loob ng bahay.

Dalawang segundo ang nakalipas, may kalabog na narinig si Lolo Indo mula sa labas ng bahay. Pagkalabas niya, tumambad sa kanya ang malaking trak na bumangga sa harapan ng tindahan, tinumbok nito ang silyang kinauupuan niya kanina! Iniligtas siya ng kanyang pinakamamahal na asawa!

Show comments