EDITORYAL - Ituloy ang firecracker ban kahit kaunti ang nasugatan

IPINAGMAMALAKI ni Health secretary Paulyn Ubial na kakaunti lamang ang mga nasugatan sa paputok ngayong bagong taon kaysa noong nakaraang taon. Umabot lamang sa 350 ang mga nasugatan ngayon kumpara sa mga nakaraang taon na umaabot sa 1,000. Sabi ni Ubial marami ang natakot kay Pres. Rodrigo Duterte kaya kakaunti ang nagpaputok. Ang impresyon nang marami ay aarestuhin ang sinumang mahuli na nagpapaputok ng mga illegal at mapa-nganib na firecrackers. Kinatakutan ang Presidente dahil sa matapang nitong kampanya laban sa illegal na droga kung saan mahigit 2,000 na ang napapatay sa police operations.

Nakakatuwang malaman na ngayon lamang lubusang bumaba ang mga insidente ng firecracker injuries. Maski ang mga ospital ay inaming kakaunti ang mga sinugod na nasugatan sa paputok. Hindi raw katulad noong nakaraang taon na umaga pa lang ng Disyembre 31 ay may mga dinadala na sa ospital dahil nasugatan o naputulan ng daliri.

Bumaba man ang mga nasugatan ngayong bagong taon, hindi ito dapat maging batayan para hindi isulong ang total firecracker ban. Dapat aprubahan ang sinusulong na batas na nagbabawal sa mga malalakas at delikadong paputok. Nararapat nang ihinto ang nakaugaliang tradisyon na nagpapaputok para raw mapalayas ang masamang espiritu.

Kapag naaprubahan ang panukalang batas sa firecracker ban, hindi lamang ang pagkaputol ng daliri at pagkabulag ang mapipigilan kundi pati na rin ang mga nangyayaring sunog na ang dahilan ay ang paputok particular ang kuwitis. Ang kuwitis ay pumapasok sa kisame at doon pumuputok na nagiging dahilan ng sunog. Sa pagdiriwang ng bagong taon noong Linggo, apat na sunog ang naganap sa Metro Manila.

Magtulungan ang lahat para ganap na maisabatas ang pagbabawal sa mapaminsalang paputok. Ngayon na ang tamang panahon ukol dito.

Show comments