KUNG isang higanteng bola ang inihuhulog sa Times Square sa New York tuwing New Year’s Eve, isang dambuhalang patatas naman ang inihuhulog sa isang bayan sa Idaho bilang hudyat ng pagpasok ng bagong taon.
Kilala ang Idaho sa mga malalawak na taniman nito ng patatas kaya naisipan ng mga taga-Boise, Idaho na gayahin ang sikat na tradisyon sa Times Square ngunit papalitan nila ang makinang na bola ng isang dambuhalang patatas.
Ngayong taon, binansagan nilang “Glowtato” ang patatas na kanilang inihulog.
High-tech na kasi ang artipisyal na patatas na kanilang ginamit dahil nagliliwanag na ang loob nito kaya mas nakakamangha na itong tingnan.
Dinayo pa rin ang “Potato Drop” ngayong taon sa kabila ng napakalamig na panahon sa Idaho.
Hindi raw ininda ng mga taga-Idaho ang panahon sa kagustuhan nilang makaranas ng kakaibang pagsalubong sa New Year, ayon sa mga organizers ng taunang Potato Drop.