HINDI nagkatotoo ang sinabi ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa na walang tatamaan ng “ligaw na bala’’ sa pagdiriwang ng bagong taon kahapon. Sabi ni Dela Rosa, “zero casualty” ang target nila habang ipinagdiriwang ang bagong taon. Ipakakalat umano ang mga pulis sa lahat nang dako para mahuli ang sinumang magpapaputok ng baril. Wala raw magli-leave of absence na pulis sa bisperas ng bagong taon para lahat ay nakatutok sa mga magpapaputok ng baril. Babala rin ng PNP chief na ang sinumang mahuhuling pulis na magpapaputok ng baril sa pagdiriwang ng bagong taon ay sisibakin sa puwesto. Wala raw ipakikitang awa sa mga pulis na lalabag sa kanyang kautusan. Hindi raw siya nagbibiro. Nakiusap din siya sa gun owners na huwag magpaputok ng baril. Pairalin daw ang disiplina para maiwasan ang casualties ng mga tinatamaan ng bala.
Maraming pulis ang nakitang nagpapatrulya sa bisperas ng bagong taon bilang pagtalima sa kautusan ng PNP chief. Hindi lamang ang mga magpapaputok ng baril ang target nila kundi pati na rin ang mga kriminal. Pero sa kabila nang mahigpit na pagbabantay, may mga tinamaan pa rin ng “ligaw na bala”. Isang 15-anyos na dalagita sa Malabon ang tinamaan ng bala sa ulo. Bigla umanong bumagsak ang dalagita at nang isugod sa ospital, nakita ang bala sa ulo. Isang 20 anyos na lalaki ang isinugod sa East Avenue Medical Center dahil sa tama ng bala. Isang Hungarian national ang binaril at napatay sa Iloilo habang nagdiriwang ng Bagong Taon.
Hindi pa naglalabas ng kabuuang bilang ang PNP at Department of Health (DOH) ng mga biktima ng “ligaw na bala” pero mas mababa naman daw ngayon ang casualties kumpara sa nakaraang taon.
Hindi natupad ang “zero casualty” na sinabi ni Dela Rosa. Marami pa ring nakalusot. Siguro’y dapat nang magbigay ng reward ang PNP sa sinumang makapagtuturo sa mga taong magpapaputok ng baril. Kailangan lamang ay makunan ng video ang nagpapaputok para matibay ang ebidensiya. Epektibo ang pagbibigay ng reward para madaling mahuli ang mga may “utak-pulbura’’.