TAUN-TAON ay nagtitipon ang mga residente ng bayan ng Ibi sa Alicante, Spain tuwing Disyembre 28 para sa isang buong araw ng batuhan ng itlog.
Bahagi ito ng “Els Enfarinats” na siyang tawag ng bayan sa kanilang paggunita sa araw ng Niños Inocentes.
Magsisimula ang kaganapan sa isang karera sa umaga upang malaman kung sino ang magiging pansamantalang alkalde ng bayan sa loob ng isang araw.
Ang alkalde ang magtatakda ng mga patakaran at sino mang lalabag sa mga ito ay pagmumultahin. Ang mga makakalap na multa ay ido-donate ng bayan sa kawang-gawa.
Pagkatapos ng lahat ng ito ay saka na magsisimula ang magulong batuhan ng itlog at harina na sinasamahan pa ng pagpapaputok sa mga lansangan. Tumatagal hanggang alas singko ng hapon ang pagbabatuhan.
Nasa 200 taon na ang tradisyong ito ng mga taga-Ibi at tinatayang nasa 1,500 na itlog at ilang daang kilo ng harina ang nagagamit ng mga kalahok taon-taon tuwing sasapit ang December 28.