KAPAG naibalik ang death penalty law, maraming criminal ang mamamatay. Mas marami pa sa mga nangyayaring pagkamatay araw-araw ng drug pushers na lumalaban sa mga pulis na nagsasagawa ng operasyon. Sabi ni Pres. Rodrigo Duterte, lima hanggang anim na criminal ang gusto niyang bitayin araw-araw kapag naaprubahan ang pagbabalik ng parusang kamatayan. Inihayag ito ng Presidente nang magtalumpati noong nakaraang linggo sa isang pagtitipon sa Malacañang. Ang plano ni Duterte ay agad kinondena ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP). Masyadong barbaric daw ang plano ng Presidente.
Sabi ni Duterte, dati nang may death penalty sa mga nagdaang administrasyon pero walang nangyari. Huling nagkaroon nang pagbitay sa bansa noong panahon ni Pres. Joseph Estrada. Sabi pa ni Duterte, kung maibabalik ang death penalty sa ilalim ng kanyang termino, tiyak na may mabibitay araw-araw. Prayoridad umano niya ang pagbabalik ng death penalty sa kanyang administrasyon sapagkat bahagi ito ng kanyang naipangakong pakikipaglaban sa kriminalidad.
Nakababahala na ang pagdami ngayon ng krimen na kinabibilangan ng panggagahasa na may kasamang pagpatay. Karaniwang gumamit muna ng droga ang mga rapist bago isagawa ang krimen.
Dalawang linggo na ang nakararaan, isang 17-anyos na estudyante sa Indang, Cavite ang ginahasa at pinatay ng lalaking nakilala sa Facebook. Nagkita ang dalawa sa Indang dahil inalok ang biktima na gagawing modelo. Hindi na nakauwi sa bahay ang estudyante. Natagpuan ang bangkay nito na maraming saksak. Ginahasa muna siya bago pinatay.
Ilang taon na ang nakararaan, isang 20-anyos na babae ang ni-rape ng mga bangag na traysikel driver sa Imus, Cavite. Bumili lamang ng puto bumbong ang babae at sumakay sa traysikel pero sa halip na ihatid sa bahay, sa isang liblib na lugar dinala at ginahasa saka pinatay.
Kung hindi magbabago ang plano ng Presidente na araw-araw ay mayroong bibitayin kapag naaprubahan ang death penalty, makatarungan lamang ito. Unahin niyang isalang ang mga rapist.