EDITORYAL - Hindi dapat ipagwalambahala ang kalusugan ng Presidente
GUMAGAMIT umano ng powerful painkiller fentanyl si Pres. Rodrigo Duterte dahil sa spinal injury na nakuha niya sa isang aksidente sa motorsiklo. Inamin niya ito mismo nang magsalita sa isang pagtitipon kamakailan. Pero pinatigil na umano siya ng doctor sa paggamit ng painkiller sapagkat inaabuso niya ang paggamit dito. Ang fentanyl ay karaniwang inirereseta para sa cancer pain.
Una nang idinadaing ng Presidente ang kanyang migraine. Nang dumalo siya sa APEC summit sa Lima, Peru, hindi siya nakadalo sa pagtitipon ng mga leaders sa huling gabi ng summit sapagkat biglang umatake ang kaniyang migraine kaya si Foreign Affairs Sec. Perfecto Yasay ang naging representative niya. Sa Asean meeting, ang migraine din ang kanyang idinaing kaya hindi nakausap si US Pres. Barack Obama.
Maski ang pag-interbyu sa kanya ni movie actress Kris Aquino ay hindi niya napaunlakan dahil nagka-migraine din siya. Sa isang talumpati kamakailan, inamin ng Presidente na mayroon siyang Buerger’s disease, isang cardiovascular illness na nagiging dahilan nang pamamaga ng mga ugat dahil sa paninigarilyo.
Nang magtungo siya sa Cambodia, maraming nagulantang nang sabihin niya sa isang talumpati na maaaring hindi niya matapos ang kanyang termino. Parang inaasahan na niyang may mangyayari sa kanya kaya hindi matatapos.
Dahil kaya sa sakit kaya sinabi ng Presidente na hindi niya matatapos ang term o dahil sa mga nagbabanta sa kanyang buhay dahil sa maigting at walang puknat na kampanya laban sa illegal na droga. Libu-libo na ang napapatay na may kaugnayan sa pagtutulak ng droga.
Anuman ang dahilan, dapat sumailalim sa masusing medical exam ang Presidente at ihayag ang anumang resulta nito. Maliwanag sa Konstitusyon na dapat malaman ng taumbayan ang totoong estado ng kalusugan ng Chief Executive.
Pero sabi ng Presidente, binibiro lang daw niya ang media ukol sa kanyang kalusugan. Kinagat naman daw agad ng media ang pagbibiro niya.
Hindi dapat gawing biro ang ukol sa kanyang kalusugan. Kailangang maging maingat ukol dito. Ihayag niya ang totoong kalagayan.
- Latest