IBA’T IBA ang espekulasyon ngayon kung babalik pa ba si Senator Leila de Lima matapos payagang makalabas ng bansa.
Si De lima ay nakakuha ng pahintulot ng biyahe kay Senate president Koko Pimentel para sa opisyal na biyahe sa US at Germany.
Ayon naman sa Department of Justice (DOJ ), hindi nila puwedeng pigilin ang pagbiyahe ni De Lima dahil wala pa namang legal na hadlang dito sa gitna ng kawalan pang pormal na paghahain ng kaso sa korte.
Masuwerte si De Lima dahil ang Duterte administration ay kumikilala sa proseso ng batas.
Bukod dito, hindi gumamit ng puwersa at pagiging arogante si President Duterte. Hindi ibinalik kay De Lima ang ginawa nya noon kay dating Pres. Gloria Macapagal-Arroyo na kahit pa nagpahintulot na ang Korte Suprema sa pagbiyahe nito sa abroad para magpagamot ay hinadlangan ni nooy DOJ secretary De Lima.
Sa halip ay pinagbuntunan din ng bagsik ng kapangyarihan ang Korte Suprema na nagbigay ng pabor kay Arroyo at tuluyang pinatalsik sa puwesto si Chief Justice Renato Corona na nakamatayan na ang iba pang kasong isinampa laban dito.
Ang isang malaking katanungan ay kung babalik pa ba si De Lima dahil maging siya ay alam niya na maaaring mabilanggo dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga at may mga lumutang na ebidensiya at kapani-paniwalang testigo.
Kung hindi na babalik si De Lima, maaring lumitaw na guilty ito sa mga akusasyon laban sa kanya pero abangan na lang natin kung tutuparin ang mga sinabi ng senadora na haharapin ang mga akusasyon laban sa kanya.