NAGDUDULOT ng takot ang mga nangyaya-ring krimen ngayon, partikular na ang panggagahasa. Karumal-dumal na ang ginagawa sa mga biktima na pagkatapos gahasain ay pinapatay pa. Wala nang natitirang awa ang mga kriminal na kahit mahinang babae at walang kalaban-laban ay kanilang pinapatay kahit pa nagmamakaawa. Mistulang mga demonyo na ang mga gumagawa ng ganitong krimen at dapat lamang na parusahan sila nang mabigat kapag napatunayan.
Isang halimbawa ay ang ginawang panggagahasa at pagpatay sa 17-anyos na estudyante na natagpuan sa gilid ng ilog sa Barangay Guyam Malaki sa Indang Cavite noong Sabado. Dakong 9:45 ng umaga nang matagpuan ang katawan ni Melissa Magracia ng Barangay Paradahan 1 Belvedere, Tanza. Nakasuot pa ng school uniform ang biktima kung saan nasa tabi nito ang backpack na may mga gamit kaya nakilala. Maraming saksak sa katawan ang biktima at positibong ginahasa base sa awtopsiya.
Naaresto ang suspek na si Elrick Mojica, 31, isang welder at nakatira sa Barangay Harasan. Ayon sa report, nakipagkita ang biktima sa suspek noong Disyembre 6 na nangako rito na gagawing modelo. Nakita ang palitan ng mensahe ng biktima at suspect sa Facebook. Ayon naman sa suspek, ginamit lamang ang kanyang pangalan.
Mistulang kinubabawan na ng demonyo ang gumahasa at pumatay sa kawawang estudyante. Maaaring naka-droga ang suspek nang isagawa ang krimen. Wala na sa katinuan dahil sa droga.
Panahon na para ibalik ang death penalty. Kung ano ang inutang ay iyon din ang kabayaran. Madaliin ang pagdedebate sa pagbabalik ng parusang kamatayan at kapag naipasa, unang isalang sa lethal injection ang gumahasa at pumatay kay Melissa. Kung hindi magsasampol, darami pa ang mga demonyo. Kawawa ang kababaihan.
Sunod na isalang ang drug traffickers na hindi na rin makayang sawatain kahit may “Oplan Tokhang”.