Ilang sandali sa impiyerno

NOONG 40-anyos pa lang si Francis, siya ay sumailalim sa open heart surgery. Ang kanyang sakit ay bunga ng pag-inom niya kung anu-anong illegal drugs mula pa noong tinedyer. Habang may ikinakabit na mechanical valve sa kanyang puso, kailangan patigilin sandali ng mga doktor ang pagtibok ng kanyang puso.

Habang “nakapahinga mode” ang kanyang puso, natagpuan na lang ni Francis ang sarili na nasa madilim na lugar. Tumatakbo siya dahil namalayan na lang niya na may mga “black entities” na humahabol sa kanya. Black dahil nakasuot sila ng black robe. Sa halip na ulong may mukha, lumilingas na apoy ang nakapatong sa leeg. Naisip ni Francis na siya ay namatay at sa impiyerno siya napapunta. Halos mabaliw si Francis sa hitsura ng mga humahabol sa kanya. Sumisigaw sila habang hinahabol siya. Naaninag niya ang malaking bato at doon siya nagtago.

Sa tindi ng takot ay napaiyak siya at umusal ng dalangin. Maya-maya ay may kamay na umabot sa kanya. Nang lingunin niya ay nanay niyang nakangiti ang bumungad sa kanya. Nakilala agad niya dahil napapalibutan ito ng white light. Gumaan ang kanyang pakiramdam. Ang takot kanina ay napalitan ng kapayapaan. Napakasarap damahin ang ganoong pakiramdam.

Ang natatandaan niyang kasunod na eksena ay nagising siya na nakatunghay sa kanya ang doktor at ang minamahal niyang ama. Ang kanyang ina ay malaon nang pumanaw. Simula nang operahan siya ay binago na niya ang kanyang buhay. Tinigilan na niya ang lahat ng bisyo. Hindi man naging palasimba, lagi na siyang nagdadasal. Humingi siya ng tawad sa kanyang asawa at tatlong anak. Ginawa niya ang lahat ng klase ng panunuyo upang tanggapin siyang muli ng asawa. Pagkalipas ng isang taon, natupad ang kanyang pangarap na mabuong muli ang kanyang pamilya na iniwan niya ng ilang taon. Nangako siya sa kanyang sarili na pulos tama na lang ang kanyang gagawin sa buhay. Kahit sa panaginip, ayaw na niyang “bumalik” sa impiyerno. Kinikilabutan talaga siya.

Show comments