DAPAT ay maghinay-hinay ang mga kongresista kaugnay ng pagnanais na obligahing paharapin sa Kamara si Sen. Leila de Lima.
Ito ay kaugnay pa rin ng pagbubunyag ni Ronnie Dayan na siya ay pinayuhan ni De Lima na magtago at huwag humarap sa imbestigasyon ng House committee on justice.
Sa nasabing pagdinig, marami ang pumuna sa hindi maayos na pagtatanong ng mga kongresista at tila kabastusan kaugnay ng isyu sa relasyon nina Dayan at De Lima.
Nanindigan naman ang Kamara na hindi daw sila dapat humingi ng paumanhin at wala raw ginawang mali sa uri ng mga pagtatanong kay Dayan lalo na sa isyu ng relasyon nito sa senadora na dating Justice secretary.
Nakalimutan yata ng mga kongresista na sila ay tinatawag na honorable o kagalang-galang na mambabatas.
Sa pandinig at mata ng mga kabataan, tama ba na kanilang tularan ang mga asta ng mga kongresista na masyadong malaswa na hindi dapat namumutawi sa bibig ng mga kagalang-galang o honorable na tao.
Puwede namang maging disente ang pagtatanong dahil kinumpirma na naman ang relasyon nina De Lima at Dayan at hindi na kailangan pang idetalye kung ano ang ginagawa ng magkarelasyong babae at lalaki.
Huwag sanang maging arogante ang mga kongresista at kanilang irespeto ang Senado dahil maaring mauwi ito sa krisis at ang tatamaan dito ay ang publiko.
Kung magbabanggaan kasi ang Kamara at Senado ay asahan na wala nang mapagtitibay na panukalang batas.
Maari namang ireklamo sa Senado si De Lima at ang kapwa senador na mismo ang kumastigo dito o kasuhan sa DOJ.