‘Bubuhusan kita ng asido?!’
ISANG texter mula sa aming hotline number ang humihingi ng payo na may dulong numero na 7321.
“Alam kong may mali ako, may karapatan ba akong magreklamo sa mga pagbabanta niya,” tanong ni Evelyn.
Papatayin at pera lang ang katapat niya o sa anak niya gaganti. Sisirain sa trabaho at kapag nakita siya ay bubuhusan daw ng asido.
Ganito daw ang pagbabantang ginagawa ng asawa ng kanyang boyfriend. Maging ang boyfriend niya ay ginugulo daw nito sa trabaho kaya papalit-palit ng ahensya.
“Halos mag-isang taon na din po niyang ginagawa ito sa akin. Kapag ako nagulo sa trabaho ko mawawalan ako ng mapagkakakitaan paano naman ang kapakanan ng mga anak ko,” ayon kay Evelyn.
Mahigit isang taon na daw ang relasyon nila ng kanyang boyfriend. Sa pagkakaalam niya ay kasal ang dalawa dahil patay na ang unang asawa ng babae.
Labing siyam na taong gulang ang anak ng kanyang boyfriend sa asawa nito. Nagsusustento naman daw ang boyfriend niya dito at maliit ng parte lang ang napupunta sa kanya.
“Hindi naman ako nanghihingi dahil katwiran ko wala pa naman kaming anak. Galit sa akin ang asawa niya dahil ginulo ko daw ang pamilya niya,” sabi ni Evelyn.
Magkaibang barangay daw sila at kahit minsan ay hindi pa siya nagrereklamo sa mga pagbabanta sa kanya dahil alam niyang may pagkakamali din siya.
Sa walang tigil na pagbabantang natatanggap niya ay kinakabahan na siya sa kapakanan ng kanyang mga anak.
Ang pagbabanta daw na ito ay sa pamamagitan ng mga text.
Mali man ang naging relasyon nina Evelyn at ng kanyang boyfriend hindi pa din ito dahilan para pagbantaan ka ng isang tao na ikaw ay papatayin o sirain niya ang buhay ng iyong anak na wala namang kasalanan sa relasyon ninyo.
Kailangan na i-manifest na hindi sila parehong baranggay. Kailangan may mag-wave na isang barangay o magkaroon siya ng certification na hindi sila nasasakop ng isang barangay.
Dadaan sa mediation ang isyung ito. Kung mapagpasyahan niyang sa barangay ng babae siya magreklamo at tinanggap naman siya dun na sila mag-uusap at maghaharap.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest