MAY mga bagyo pa umanong dadaan sa bansa bago matapos ang taon. Ibig sabihin nito, marami pang pag-ulan ang mararanasan at magkakaroon ng pagbaha. Dahil sagana sa ulan, maiistak ang tubig sa mga basyo ng bote, tapyas na gulong, plorera at iba pang lalagyan na nakalantad sa bakuran. Ang mga ito ang paboritong tirahan ng mga lamok na nagdadala ng dengue at Zika virus. Mabilis dumami ang mga lamok at sa isang iglap, kamatayan ang ihahatid sa mamamayan.
Ayon sa Department of Health (DOH), tumaas ang kaso ng Zika ngayong taon. Mula Enero hanggang ngayong buwan, 33 kaso ng Zika ang naitala. Ang huling naidagdag sa kaso ng Zika ay isang buntis mula sa Las Pi?s City na 32 weeks na ang dinadala sa sinapupunan. Siya ang ikalawang buntis na naiulat na apektado ng Zika. Ang unang buntis ay naitala mula sa Cebu City. Isinailalim na sa ultrasound ang buntis sa Las Pi?s para malaman kung may panganib sa sanggol na dinadala ang pagkakaroon ng Zika virus.
Ang mga sanggol na pinagbuntis at naapek?uhan ng Zika virus ay nagkakaroon ng microcephaly --- isang neurological disorders at brain malformation. Kapag isinilang ang sanggol na apektado ng Zika, maliit ang ulo nito pero malaki ang katawan.
Unang nagkaroon ng kaso ng Zika virus sa bansa noong 2012 nang isang 15-anyos na batang lalaki mula sa Cebu ang nagpositibo rito. Ang Zika virus ay dinadala ng lamok na Aedes aegypti. Ang sintomas ng Zika ay: Mataas na lagnat na tumatagal ng isang linggo, pagkakaroon ng rashes sa katawan, pananakit ng ulo, mapupulang mga mata at masakit na kasu-kasuan.
Paalala ng DOH sa mamamayan na maging malinis sa loob ng bahay at kapaligiran para walang matirahan ang mga lamok. Ang kalinisan ang ta-nging paraan para maiwasan ang mga sakit na hatid ng lamok. Huwag ipagwalambahala ang mga lamok na lilipad-lipad sa loob ng bahay sapagkat maaaring ang mga ito ang lilipol sa sambayanan. Lipulin sila bago tao ang malipol.