EDITORYAL - Pinagpistahan ng mga mambabatas
MARAMING nag-abang sa TV nang isinagawang hearing ng House of Representatives committee on justice noong Huwebes kaugnay sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison na isinasangkot si Sen. Leila de Lima at kanyang dating driver/bodyguard na si Ronnie Dayan. Inakala na maraming mapipiga kay Dayan kaugnay sa talamak na drug trade sa New Bilibid Prison (NBP) at ganundin naman sa lawak nang nalalaman nito kay drug suspect Kerwin Espinosa na una nang humarap sa Senado noong Miyerkules.
Pero nabigo ang taumbayan sapagkat iba ang nahalukay ng mga mambabatas. Sa halip na drug trade, ang love affair ni De Lima at Dayan ang pinagpistahan. Masyadong naging bulgar ang mga tanong ng mambabatas.
Kagaya ng tanong ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas sa anak na babae ni Dayan na humarap din sa pagdinig. Tinanong ng kongresista kung ano ang ibig sabihin ng “TL” na nasa cell phone nito. Sagot ng anak ni Dayan, “Tita Lei” na ang tinutukoy ay si De Lima. Pero sabi naman ni Fariñas, puwede rin daw na ang “TL” ay Tulo-Laway.
Isa pang kongresista ang nagtanong kay Dayan kung hanggang saan ang climax na narating ng kanilang pag-iibigan. Dalawang kongresista naman ang pinilit ungkatin kay Dayan ang tungkol sa umano’y sex video nito. Piniga nila para magsabi ukol sa sex video pero tinanggi ni Dayan na mayroon silang sex video ni De Lima. Wala raw siyang kuha sa cell phone niya. Maaaring iba raw ang kumuha niyon.
Pawang ang love affair nina De Lima at Dayan ang nabigyan ng importansiya at hindi ang tungkol sa illegal na droga. Kung medyo nagtagal pa marahil ang pagdinig ay baka may mambabatas na magtatanong kung ano ang posisyon ng dalawa habang nagtatalik.
Napanood nang marami ang hearing at maaaring may mga menor-de-edad pang nakapanood. Ganoon pala kagrabe ang mga mambabatas kung humalukay ng buhay nang may buhay. Sana naman, hindi na ganito ang maririnig sa susunod na pagdinig ng House of Representatives.
- Latest