NANGAKO si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa mapaparusahan at mapapatalsik sa puwesto ang mga pulis na mapapatunayang sangkot sa illegal na droga. Hindi raw siya maaawa sa mga pulis na ito at bagkus ay makakatikim ang mga ito ng parusa na kanilang hinahanap. Titiyakin niyang haharap sa husgado ang mga pulis na sangkot sa pagpapalaganap ng droga sa buong bansa. Hindi raw dapat kaawaan ang mga pulis na ito.
Ang babala ni Dela Rosa ay ginawa makaraang mapaiyak siya dahil sa pagkadismaya nang isiwalat ng drug suspect na si Kerwin Espinosa na halos lahat nang pulis sa Albuera, Leyte ay nasa payroll nito. Pati matataas na opisyal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ay idinawit ni Kerwin. Buwan-buwan ay may inihahatag siyang pera sa mga matataas na opisyal ng CIDG bilang proteksiyon.
Lalo nang nakagimbal ay nang sabihin ni Kerwin na ang mga nag-raid at nakapatay sa kanyang ama habang nasa Baybay provincial jail ay ang mga nasa kanyang payroll.
Pinabulaanan naman ng mga inakusahang CIDG men ang paratang ni Kerwin. Malinis daw ang kanilang konsensiya. Wala raw silang tinatanggap na pera mula kay Kerwin.
Napaiyak nga si Dela Rosa sa sobrang pagkadismaya sapagkat kahiya-hiya naman talaga na pawang mga pulis ang protector ng drug suspect. Kaya pala hindi masawata ang paglaganap ng droga ay sapagkat pinuprotektahan ng mga pulis at opisyal. Nakakahiya ang pangyayaring ito.
Tuparin sana ni Dela Rosa ang sinabi na mapaparusahan ang mga pulis-droga. Walisin sila at hayaang mabulok sa bilangguan. Kapag hindi nagkatotoo ang kanyang sinabi, baka umiyak uli siya sa sumbat ng taumbayan.